NAG-IINGAY sa social media at nakaabang ang milyon milyong local at international fans ng No.1 Filipino boy band at hari ng Ppop na SB19 ng fandom na kung tawagin ay “A,tin” sa kalalabasan ng mga opisyal na nominado sa prestihiyosong 66th Annual Grammy Awards sa November 10, matapos ianunsiyo ng Sony Music Philippines nitong nakaraang linggo na naaprubahan ng global award giving body bilang entry ang viral na “Gento” na isa sa hit na kanta ng naturang grupo nito.
Kapag nagkataon ay kauna- unahan ang SB19 na mga Pilipinong artists na makakalahok sa itinuturing na pinakasikat at pinakamabigat na global award giving body na ito ng Amerika sa larangan ng musika na tanging pinakamahuhusay at pinakasikat lamang na artists sa iba’t ibang panig ng mundo ang nanonomina at kinikilala.
Ito ay ayon sa anunsiyo ng Sony Music Philippines kamakailan. Ang Gento ay ang isinumite ng Sony Music Philippines bilang entry sa kategoryang Best Pop Duo at Group Performance sa naturang 66th Annual Grammy Awards. Nanawagan ang Sony Music sa A’tin na i-share ang naturang issue upang opisyal na makalahok ang grupo sa mga nominado sa Grammy Awards para sa susunod na taon.
Agad namang nag-trending ang naturang balita sa iba ibang uri ng social media lalo na sa Twitter o “X” na may hashtags na #SB19RoadtoGrammyNomination at #GetSB19GrammyNominated.Kritikal na panahon umano sa botohan ng nominees ang October 20, 2023 hanggang November 10, 2023. Ang product eligibility ay October 1, 2022 hanggang September 15,2023.Online entry period ay July 17, 2023 hanggang August 31, 2023. Ang unang voting round ay October 11,2023 hanggang October 20,2023. Ang mga opisyal na kalahok sa mga nominado sa Grammys sa susunod na taon ay lalabas sa November 10, 2023.Ang final voting round ay mula December 14,2023 hanggang January 4,2024. Ang 66th Annual Grammy Awards at gaganapin sa Amerika sa February 4, 2024 kung saan ay sa event mismo iaanunsyo ang mananalo sa bawat katergorya nito.
Ang “Gento” ng SB19 ay isang word play ng salitang ginto (gold) , at slang ng salitang “ganito” (like this). Ito ay isang abstract na paglalarawan ng nilakbay sa karera ng SB19 na mula umano sa dugo, luha at pawis na mula sa mahirap na pinagdaanan ng grupo mula ng kanilang training days, hanggang mag-debut bilang artists at unti unting nakikilala ng publiko.Kabilang umano sa kanilang journey ang pagpuna at panlalait ng mga haters o bashers na pilit humahadlang sa pag angat ng karera ng grupo.Sa gitna ng mga pagbatikos ng mga kritiko, sinikap ng grupo na maisakatuparan ang kanilang mga pangarap na magtagumpay at layunin na makilala ang Ppop at musikang Pilipino sa mundo. Ang grupo ay nabuo sa pamamagitan ng Korean company na Showbt Philippines, hanggang sa maging self manage ang SB19 ng 2022 at makabuo ng sarili nilang kompany na 1Z Entertainment.
Nangakong magnomina ng “Gento” sa Grammys sa kanyang nakaraang reaction video sa Youtube ang isa sa kasapi ng Grammy Recording Academy ang voice coach na si Juliet Lyons na tuluyan ng naging tagahanga ng SB19 at personal na nanood at sumubaybay sa kanilang mga performances sa kanilang katatapos lang na Pagtatag World Tour sa U.S. Sa isang screen shot sa Twitter naibahagi ang usapan ng ilang kasapi na Grammy Recording Academy kabilang si Lyons na nagpahiwatig ng paghanga sa grupo at sa awit na ito.
Sa kanyang post sa social media ibinahagi ni Juliet Lyons ang pag-endorso sa SB19 at Gento. ”For your Grammys consideration:SB19 for Pop Duo/Group Performance (Yes,that’s a category change!!!)-“GENTO”.These talented, hardworking, humble, and super lovable young men along with their management 1Z Entertainment, have been working tirelessly to bring P-pop to a global scale. Let’s make them the first Filipino group to get a Grammy nomination,” Lyons.
Maging si Jhett Tolentino, ang Pilipinong 3-time Tony at Grammy Award Winner na Broadway Producer sa Hollywood ay nagbahagi sa kanyang IG Post ng anunsyo ng Sony tungkol sa Grammy consideration sa kantang Gento at ng SB19.
Sa kanilang mga post patuloy ang panawagan ng A’tin sa mga hurado ng Grammy Recording Academy na iboto ang entry ng Sony Music Philippines na “Gento” at SB19 na maging opisyal na nominado sa naturang kategorya. Nanawagan ang mga A’tin sa kapwa tagahanga na magkomento sa @recordingacademy’s official Instagram account upang mapansin ang Gento at SB19 ng mga hurado bago magbotohan ng mga nominado sa mga opisyal na tinanggap na entries sa Grammys sa susunod na taon.
MA. LUISA GARCIA