ATING makikita na dumarami na ang mga namamasyal ngayong nabawasan na ang mga paghihigpit sa pagbibiyahe. Ngunit natatandaan pa ba natin ang mga bagay na natutunan natin sa larangan ng paglalakbay at turismo habang tayong lahat ay nasa gitna ng pandemya? Naiisip din ba natin kung paano magagamit ang mga kaalamang ito upang maging mas sustainable, matatag, at abot-kamay ng lahat ang sektor na ito, kung ikukumpara sa sitwasyon noong bago dumating ang COVID?
Ang mga eksperto na sina Sandra Carvao ng United Nations World Tourism Organization (UNWTO) at Liz Ortiguera ng Pacific Asia Travel Association sa Thailand (PATA) ay nagpahayag ng kanilang mga pananaw sa World Economic Forum (WE Forum) sa pamamagitan ng programa nitong Our World in Transformation.
Ayon sa mga eksperto sa paglalakbay at turismo, ang mga mas nakababatang manlalakbay ay mas mulat at may pakialam sa epekto ng kanilang pagbibiyahe sa ating kalikasan at sa mga komunidad. Ang mga negosyo rin na kagaya ng mga paliparan ay gumagawa ng paraan upang mabawasan ang mga emissions.
Ngunit, mayroon pa ring malaking pangangailangan sa pamumuhunan upang magkaroon ng mga solusyon at teknolohiya na tutulong na makabawas sa mga negatibong epekto ng turismo sa kapaligiran o kalikasan.
Isa pang trend ay ang kagustuhan o interes ng mga manlalakbay na umikot o mamasyal sa mga domestic o lokal na lugar lamang, imbes na lumabas pa ng bansa. Nais nilang magkaroon ng mga bagong karanasan sa paglalakbay at pamamasyal sa loob ng kani-kaniyang mga bansa. Maaaring dulot ito ng pananaw na mas ligtas magbiyahe sa loob ng tinitirhang bansa.
Dahil dito, nararapat na pag-aralan pang mabuti ng pamahalaan at ng mga negosyo ang domestic market upang mas lumalim ang kanilang kakayahang maghandog ng mga panibagong karanasan at produkto para sa mga lokal na turista.
(Itutuloy)