(Pagpapatuloy)
NGAYON, ang mga manlalakbay ay mas nakatuon sa mga lokal na komunidad kumpara sa mga mataong tourist spots.
Sa community-based tourism, dapat nasa sentro ng mga aktibidad panturismo ang mga komunidad. Kailangan nilang makonsulta sa pagpaplano at pagdidisenyo ng mga programa. Kailangan silang isali sa pamamalakad ng mga aktibidad na ito.
Mahalagang bagay ang benepisyo para sa mga lokal na komunidad—kasama na rito ang benepisyong pampinansiyal—sa bawat programang panturismo sa kanilang lugar. Dahil kung sila ay kasali, mas malaki ang tyansang maayos at tama ang pagpapakita at paglalahad ng kanilang kultura. Ito ay maitataguyod, mapapatibay, at mapapayaman. Resulta ay ang pagkakaroon ng mga aktibidad na tapat sa kanilang kultura at tradisyon.
Nagugustuhan din sa ngayon ng mga turista ang tinatawag na creative tourism, o ang paglikha ng mga karanasan kung saan maaari silang direktang makilahok—halimbawa ay isang art workshop kasama ang lokal na grupo ng mga manlilikha o artista, o ang pagtuturo ng paghahabi ng mga lokal na manghahabi, at iba pa. Ayon sa mga survey sa social media, ang mga aktibidad na tulad ng mga ito ay mas madalas na isini-share. Isa itong magandang paraan upang mai-market o mai-promote ang komunidad at mga industriya nito.
Makatutulong din ang lokal na pamahalaan sa suportang teknikal, halimbawa ay ang pagbibigay ng suporta sa digitalization ng mga sistema ng komunidad upang maging madali para sa mga turista ang paghahanap ng matutuluyan.
Sang-ayon ang dalawang eksperto na patuloy na magiging mahalaga para sa sektor ng paglakabay at turismo ang kaligtasan at seguridad ng mga manlalakbay. Isa sa maraming paraan para ito ay magawa ay ang pagkakaroon ng mga pamantayan sa meetings-and-events (MIE) at maging para sa mga tour operators.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na nabanggit, ang sektor ng turismo ay mas mapapatatag pa, magagawang mas inklusibo at sustainable upang patuloy nitong magampanan ang papel nito sa pag-ahon ng ating ekonomiya at pangkalahatang pag-unlad ng bansa.