MAY nag-viral na video na mismong sa gitna ng mga siyudad sa iba’t ibang bansa ay hina-hack ang mga ATM.
Ngayong hi-tech na ang daigdig, e hi-tech na rin ang masasamang-loob. Ano pa nga ba ang maaasahan natin sa mundong, ika nga ng Panginoong Hesus, ay pinamumugaran ng masasamang-loob.
Kung dati ay kailangang looban ka upang mapagnakawan, ngayon ay may tinatawag nang ‘phishing’ at ‘skimming’ na dalawang paraan upang mapagnakawan ang mga bank account.
Nagmumukhang bobo pa ngayon ang mga holdaper na nag-aabang sa labas ng mga bangko, ang siste ng mga hi-tech na mandurugas ay diretso na sila sa account ng bibiktimahin.
Ang phishing ay nagagawa kapag naibigay na ng biktima ang kanyang mga detalye kasama na ang bank details sa pamamagitan ng online interaction. Karaniwan ‘yan ay may form na pinapa-fill-up ang isang website na ipi-fill-up ng biktima. Maaaring may gusto sanang bilhin ang biktima at doon siya napunta sa site na iyon at isa sa requirement ay makuha ang bank details ng isang tao.
Ang lubhang nakatatakot sa phishing, karaniwang hindi nalalaman ng biktima na nababawasan na ang kanyang deposit o available credit, dahil sadyang ang kinukuha lamang ng sindikato o ng hacker ay maliit na halaga kumpara sa total deposit o credit ng biktima.
Kaya hindi napapansin na ninanakawan na pala ang kanyang account. Maramihan ang tirade rito ng isang ‘phisher’ kaya bilyon-bilyong dolyar din ang nakukulimbat sa pamamagitan niyan.
Ang skimming naman ay nagagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng device sa mismong ATM. Ang mga ATM card ay wala namang gaanong security feature maliban sa PIN ng gumagamit nito.
Nalalaman ng sindikato ang PIN ng biktima sa pamamagitan ng kanilang inilalagay na device sa ATM. Nakagagawa sila ng pekeng ATM card at sa pamamagitan ng PIN na nakuha nila ay nawi-withdraw nila ang laman ng account.
Marami na rin ang nabibiktima ng skimming ngunit nananatiling bailable ito sa ilalim ng ating batas.
Comments are closed.