NANAWAGAN ang isang miyembro ng House Committee on Populations and Family Relations sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Securities and Exchange Commission (SEC) na magpalabas ng kautusan na magbabawal sa alinmang lending institutions na kunin ang automated teller machine (ATM) card ng bawat pensioner kapalit ng pagpapautang sa mga ito.
Kasabay nito, iginiit ni Senior Citizen partylist Rep. Francisco Datol Jr. na magkaroon ng limitasyon sa halaga na maaaring kaltasin sa buwanang pensiyon ng retirees bilang pambayad sa nautang ng mga ito.
“Hindi dapat masimot ang buwanang pensiyon ng mga retiree. Kakarampot lang ang pensiyong natatanggap nila kaya’t hindi dapat ito maubos sa pagbabayad lamang ng utang,” mariing sabi pa ng partylist congressman.
Ayon kay Datol, hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang ‘modus’ na “sangla-ATM” at maging ang mga retirado ay napapasubo dito sa pagnanais na matugunan ang kanilang pinansiyal na pangangailangan.
Karamihan umano sa mga lending firm ay hinihingi ang ATM card ng isang pensioner bilang kolateral sa loan application nito at kapag araw nang pagkuha sa monthly pension ay sinasamahan ng representante ng una ang nakautang sa kanila para makapag-withdraw para direktang makuha ang hulog o bayad ng huli.
Subalit para kay Datol, maituturing na isang uri nang panggigipit at ‘unethical’ ang gawain ito kung kaya marapat lamang na kumilos ang BSP at SEC para marendahan ang operasyong ng mga lending firm.
“Lenders should also not take possession of the ATM cards of pensioners. Those cards are not the property of the lenders because those cards were issued to the pensioners. There must also be rules that would stop and prevent the lenders from getting the pensioners’ ATM cards. Other unethical practices of lenders toward retirees must also be prohibited,” giit ng mambabatas.
Samantala, iminungkahi rin niya ang pagtatakda ng limitasyon kung hanggang sa magkanong halaga lamang ang maaaring ibawas sa monthly pension para sa pagbabayad sa utang ng retirees.
Aniya, ang pensiyong natatanggap ng mga retiradong indibidwal ay naglalayong magamit nila sa kanilang pang-araw-araw na gastusin kabilang na rin sa kanilang pagpapagamot o pangangailangan na bumili ng maintenance medicines.
Subalit, posible umanong mawalang-saysay ang buwanang pensiyon ng mga retirado kung hindi man ang kabuuan ay malaking bahagi naman nito ay mapupunta lamang sa pagbabayad ng utang kung kaya dapat na tumugon dito ang BSP at SEC.
“I am therefore appealing to the Securities and Exchange Commission (SEC) and the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) to promulgate rules that will set limits on how much lenders can deduct from the monthly pensions of retirees and how much must remain in the monthly pension.” Ani Datol. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.