CAVITE- SADYANG likas na sa mga Taga-Rosario ang magsauli ng importanteng bagay tulad ng pitaka at bag.
Ito ang katangiang ipinakita ng pedicab driver na si Francisco Bondoc, 38-anyos, may asawa, apat ang anak, naninirahan sa Brgy. Silangan I at tubong Guiñangan Quezon nang isauli nitong Sabado ang bag sa kanyang pasahero.
Kinilala ang pasahero na si Emerlita Mongis a.k.a Milet, 61-anyos, tubong Marinduque, biyuda, may 3 anak, kasalukuyang tagapamahala ng Samson Funeral.
Kwento ni Aling Milet, galing siya ng palengke dakong alas-2 ng hapon nitong Sabado nang sumakay siya ng sidecar sa gilid ng Kalye Ave Maria at nagpahatid sa bahay nito sa Brgy. Bagbag I.
Isang oras na ang lumipas habang nagluluto si Aling Millet, natuklasan nito na nawawala ang kanyang eco bag na may lamang pitaka.
Agad tinawagan ng anak ni Aling Milet ang cellphone na kasama sa nawawalang bag.
Hindi nag-alangang sagutin ni Francisco ang cellphone na nasa loob ng bag na nakalagay sa gilid ng kanyang sidecar na siyang naiwan ng kanyang pasahero.
Sinadya ni Francisco na dalhin agad ang bag sa tunay na may-ari at nang makuha na ni Aling Milet ang bag ay doon lamang natuklasan na ang bag ay naglalaman ng tseke, atm, passbook, cellphone at 16K na cash.
“Maluha-luha talaga ako ng maisauli ang aking bag. Hindi ko akalain na may gintong puso ang pedicab driver na aking nasakyan. Lubos-lubos ang aking pasasamat kay kuyang driver. Ayaw pa niyang kunin ang konting pabuya na inaalok ko sa kanya. Ako na lang talaga ang nagpumilit.
Maraming salamat talaga kay kuyang driver”, kuwento ni Aling Milet.
Sa buhay ni Aling Milet ito na ang pangalawang pagkakataon niya na nawalan at naisauling pitaka.
Samantala, si Francisco ay sampung taon ng umuupa ng pedicab ay nangangarap ding magkaroon ng sariling e-bike pedicab para sa pamilya.
Kilala si Francisco sa kanyang barangay na mabait, mahusay makisama at responsableng ama at asawa. SID SAMANIEGO