ATR AIRCRAFT NG CEBU PAC, MAGPAPALAKAS NG INTER-ISLAND TRAVEL SA PH

DUMATING na sa Pilipinas ang ikaanim na aircraft carrier ng Cebu Pacific (PSE: CEB) na isang ATR 72-600 na magpapalakas ng inter-island connectivity sa bansa.

Lumapag ang bagong turboprop aircraft sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Maynila noong nakaraang linggo.

“With more than 7,100 islands in the Philippines, our commitment to serve passengers traveling between inter-island destinations requires us to invest in turboprop aircraft,” saad ni CEB Chief Executive Officer Michael Szucs.

“This aircraft delivery brings our turboprop fleet to 15, and we will be receiving our sixteenth ATR turboprop in October. With this, CEB will be operating the largest turboprop fleet in the Philippines, enabling us to serve more passengers across the country,” dagdag pa nito.

Pinapatakbo ng CEB ang turboprop fleet nito sa 25 domestic na destinasyon na nagseserbisyo sa halos 2.5 milyong pasahero taon-taon.

Ilan sa mga destinasyon na mapupuntahan lamang ng turboprop at mas maliliit na sasakyang panghimpapawid ay kinabibilangan ng Camiguin, Calbayog, Siargao, Masbate, Surigao, Busuanga at Naga.

Ang ATR 72-600 ay isa sa mga pinakabagong henerasyon ng twin engine turboprop airliner na ginawa sa France at Italy ng manufacturer na Avions de Transport Regional (ATR).

Sinasabi na ang ATR 72-600 ay maaaring ma-access ang maikli, makitid at hindi sementadong mga runway at kayang humawak ng mga matarik na approach at high-altitude landing at takeoffs.

Kaya rin nitong dalhin ang 78 pasahero at may maximum range na 1,300 kilometers depende sa payload.

Bukod sa mga ATR, ang CEB ay nagpapatakbo rin ng sari-saring commercial fleet mix na 8 Airbus 330s, 39 Airbus 320s at 21 Airbus 321s. RUBEN FUENTES