HINDI mo ba mabitaw-bitawan ang iyong cellphone? Mas nagkakaroon na ba ng masel ang iyong mga daliri kaysa sa iyong braso dahil panay click at scroll ang iyong pampalipas ng oras? Nawawalan ka na ba ng oras sa pagtulog dahil sa pagtutok mo sa kinababaliwang series? Hindi kaya adik ka na sa digital technologies?
Tayo ay nabubuhay sa panahon kung tawagin ay Digital Age. Ang ating mundo ay umiikot hindi na lamang sa pang-araw-araw na pakikisalamuha sa kapwa ng personal kundi sa pamamagitan na rin ng teknolohiya.
Nakaaalarma ang katotohanang mas marami ang oras na nailalaan ng isang indibiduwal sa kanyang gadgets. Na maging sa pagtulog ay kasa-kasama ang mga ito. Kung iisipin ay parang itinabi mo na rin sa iyong pagtulog ang mga taong kausap mo sa Facebook, sa twitter, maging ang mga kinahuhumalingang artista pati na rin mga karakter sa online games o video games.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang malimit na paggamit ng electronic devices ay may malaking epekto sa ating kalusugan at relasyon. Ilan lamang sa sakit na maaaring makuha sa labis na paggamit ng gadget ay ang anxiety, depression, lalong-lalo na ang adiksyon. Mas nagiging maikli rin ang attention span ng tao.
Kung sa tingin mo ay connected ka, baka nagkakamali ka ng inaakala. Dahil habang inuubos mo ang iyong oras sa harap ng screen ay hindi mo nakikita kung ano talaga ang nasa iyong harapan. Ang akala mong connected ka sa mga tao ay iyon pa pala ang naglalayo mismo sa iyo mula sa kanila.
Kaya naman, sa mga bansa tulad ng US, China, South Korea, at United Kingdom may itinataguyod silang kung tawagin ay “digital detox”.
Ang Digital Detox ay tumutukoy sa oras kung saan ang tao ay hindi gumagamit ng digital technologies o electronic devices tulad ng smartphones, laptop, o computers.
Heto ang ilang paraan upang maisagawa ang digitax detox:
TURN IT OFF
Magkaroon o magtakda ng oras ng paggamit ng digital device at maging ang iyong mga social media account. Magsimula sa isa o dalawang oras upang itsek ito, halimbawa 20 minuto saka ito patayin ulit.
ALARM CLOCK
Wala pa ring tatalo sa orihinal na taga-gising bukod sa tiktilaok ng manok, ang alarm clock. Oo, ang cellphone ay maaaring gaw-ing alarm clock ngunit kung gusto mong turaan ang sarili mong huwag maging dependent dito, malaki ang maitutulong ng pagbili ng alarm clock imbes na ang paggamit ng cellphone para maging alarm. Ngunit hindi ibig sabihing pagkagising mo sa umaga ay cellphone ang unang hahagilapin, maglaan ng 30 minuto hanggang 1 oras bago gamitin ang iyong device.
AIRPLANE MODE
Makikita sa cellphone ang icon na eroplano, ito ang isa sa magiging tagapagligtas. Mainam na i-on ang airplane mode ng iyong gadget dahil mahirap paglabanan ang temptasyon ng pag-check sa isang text, tweet, o Instagram post. Kung minsan ay hindi mo na namamalayang labis-labis na pala ang inilalaan mo sa paggamit ng iyong gadget nang hindi mo namamalaya.
GO OFF FOR A DAY
Paunti-unti ay tulu-ngan ang sarili na huwag gumamit ng digital technology sa buong araw. Simulan ito sa 15 minuto. Kapag na-pagtagumpayan ang 15 minuto ay maaari itong gawing 30 minuto hanggang sa masanay na at kayaning hindi gumamit nito sa buong araw.
Gawing digital technology free ang araw na nakalaan para sa iyong pagpapahinga, o family day upang mas masulit ang panahon para sa sarili at sa pamilya.
BACK UPS “DIGITAL SAFETY NET”
Kung nakapagdesis-yon kang huwag nang gumamit ng gadgets sa loob ng isang araw o maging sa buong linggo, siguraduhing nakaplano ito at may takdang panahon o oras.
Tinatawag itong digit safety net kung saan ay ipaaalam mo sa mga kaibigan, kapamilya, katrabaho na ikaw ay mag-offline muna.
Planuhing maigi ito, maaaring magpadala ng text messages, emails, o mag-post sa social media sites na ikaw ay hindi muna ma-kokontak sa loob ng iyong itinakdang panahon.
LABANAN ANG TUKSO
Siguradong mangangati ang iyong mga kamay sa paggamit ng gadgets. Napakaraming tukso ang puwedeng dumating kaya naman magkaroon ng mga bagay na makapaglalayo sa iyo sa tukso.
Maaaring magbasa ng libro, maghanap ng gagawin sa bahay, maglakad-lakad, o magsulat. Napakaraming bagay ang maaari mong gawin, huwag ikulong ang sarili sa maliliit na screen dahil mas malaki at mas nakaeengganyo ang mundo sa labas nito higit pa sa iyong inaakala.
Ang atraksiyon natin sa makabagong teknolohiya ay may magagandang epekto, ngunit mayroon din itong masamang epekto lalo na kung iresponsable ang paggamit nito. Huwag hayaang maging adiksiyon ang simpleng pagkahumaling sa mga ito, habang maaga pa ay agapan na.
Minsan kailangan mong tumingala, ilayo ang tingin sa maliliit na screen na iyong hawak at nang makita ang mas malaki at magandang mundo, totoong ngiti at totoong pagkatao. Huwag hayaang makulong sa maliit na mundo ng iyong gadgets. Dahil may mas malaking mundo ang naghihintay sa iyo. Isang mundong totoo. MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.