ATRAS-ABANTE SA BRGY, SK POLLS BINATIKOS

Henrietta de Villa

BINATIKOS ng dating opisyal ng isang church-based poll watchdog ang planong muling pagpapaliban ng mga mambabatas ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay dating Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) chairperson Henrietta de Villa, dapat legal na maisabatas ng mga mambabatas ang magiging regular na petsa ng halalan upang maging patas ang haba ng termino ng panunungku-lan ng mga opisyal ng barangay sa bansa.

Sinabi ni De Villa na hindi dapat maging atras- abante ang pagsasagawa ng halalan sa bansa na labag sa nasasaad sa Konsti­tusyon.

“Sana i-fix na nila, i-fix na nila hindi ‘yung ganoong paatras abante at saka kailangan din ‘yung terms ng barangay officials kailangan eksakto na rin hindi ‘yung iba dahil kapag matagal pinostpone mas matagal ang kanilang panunungkulan. ‘Yung iba naman dahil eksaktong ginanap maikli ang panunungkulan hindi maganda ‘yun, kailangan lang i-fix na nila by law kung kailan ba ang eleksiyon ng Barangay at ng SK…” ani De Villa sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Matatandaang aprubado na sa ikatlo at hu­ling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 1043 na sakaling maisabatas ay ipagpapaliban sa December 2022 ang BSKE o 5-buwan matapos ang pagsasagawa ng Presidential Elections sa Mayo ng kaparehong taon.

Kasunod nito ay isasagawa na kada tatlong taon ang mga susunod na halalang pambarangay.

Samantala, aprubado na rin sa committee level ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bersiyon ng panukalang pagpapaliban ng naturang halalan na nakatakda sanang idaos sa susunod na taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.