SA GITNA ng mainit na diskusyon sa kung sino ang dapat na hirangin na House Speaker, suhestiyon ng isang political analyst, tingnan ang dedikasyon ng mga kandidato, at ito ay sa pagsilip sa kanilang attendance bilang mambabatas.
Ayon kay University of the Philippines professor at political analyst Ranjit Rye, dapat tingnan ang work ethic ng isang magi-ging House Speaker dahil dito pa lamang ay makikita kung magtatagumpay ang 18th Congress.
Para kay Rye, may masasabi na agad sa personalidad ng isang potensyal na lider sa pagsilip pa lamang sa naging attendance nito.
“Huwag na natin muna tingnan ‘yung dami ng batas na ipinanukala, tingnan muna ‘yung attendance, kasi kung pala-absent na sigurado bagsak din sa performance,” pahayag ni Rye.
Isa ang pagiging pala-absent sa ipinupukol na isyu kay neophyte Speakership candidate Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, puna ng ilang mambabatas, palagiang wala sa session si Velasco. Tila bata pa ay maihahalintulad na ito sa mga tradition-al.politician(trapo).
Ang sesyon ng Kamara ay mula Lunes lamang hanggang Miyerkoles na nagsisimula alas 3:00 ng hapon.
Inamin ni Rye na sa kanyang pagkakaalam ay laging wala sa sesyon si Velasco na kinumpirma rin ng isang mambabatas na tu-mangging magpabanggit ng pangalan. Aniya, isa sa dahilan kung bakit hindi pamilyar sa ilang mambabatas si Velasco ay dala na rin ng hindi ito madalas na nakikita sa Plenary Hall.
Batay sa 16th Congress attendance na nakapaskil sa website ng Kamara ay 2 lamang ang attendance ni Velasco sa Third Session ng 16th Congress.
Bagama’t hindi pa ipinalalabas ang official attendance para sa 17th Congress, ilang insider ang nagsabi na halos kalahati ng ka-buuang sesyon ay hindi pumasok si Velasco.
Matatandaan na si Velasco ang matapang na nagmungkahi kay Pangulong Rodrigo Duterte ng term sharing sa pagitan ni Taguig Rep. Allan Peter Cayetano subalit nang maaprubahan ito ay sabay atras naman ni Velasco sa kadahilanang nais nitong mauna sa term sharing.
Itinuturing ng ilang political analyst na pagpapakita na ito agad ng pagsuway at pagmamalaki ni Velasco kay Pangulong Duterte.
Pinuna ng ilang mambabatas ang pagiging “overconfident” ni Velasco na masusungkit ang House Speakership dahil sa kon-eksiyon nito sa First Family at isang business tycoon.
Maliban kina Velasco at Cayetano, ilan pa sa kandidato sa Speakership sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez, Leyte Rep. Martin Romualdez at Pampanga Rep. Dong Gonzales. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.