NAGBITIW na sa kanilang tungkulin sina Press Secretary Trixie Cruz Angeles at Commission on Audit Chairman Jose Calida.
Ito ang kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa mga mamamahayag at sinabing inihain kahapon ang resignation letter ni Angeles na tinanggap na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi naman nagbigay ng detalye kung ano ang nilalaman ng resignation letter na inihain ni Angeles subalit nabanggit lamang na health reason ang dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Sinabi naman ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra na nagpasalamat na rin si Pangulong Marcos sa serbisyo ni Angeles.
Pero mas makabubuting hintayin na lamang at respetuhin ang nais ng Pangulo kung sino ang kanyang magiging Press Secretary ayon pa kay Bersamin.
Tumanggi naman si Bersamin na idetalye ang dahilan ng pagbibitiw sa puwesto ni Calida bilang COA head.
“We were instructed by the President to accept his resignation,” sabi ni Bersamin.
Ipinaliwanag ni Bersamin na may mga binanggit na kadahilanan ng kanyang pagbibitiw si Calida subalit nanatiling tikom ang bibig kung ano ang mga kadahilanang ito.
Ayon kay Bersamin, pinauubaya na nila kay Calida ang paghahayag sa publiko kung ano ang mga dahilang nabanggit.
“He tendered his resignation for many reasons but its up to him later to explain to you or publish what were his reasons to you but we accepted that with regret and we commended him for his patriotism for serving him from short while,” sabi pa ni Bersamin. EVELYN QUIROZ