AUGUST INFLATION PAPALO SA 6%

MAAARING pumalo sa 6 percent ang inflation sa bansa sa Agosto ng kasalukuyang taon dahil sa iba’t ibang salik, ayon sa isang economist sa Standard Chartered.

Sinabi ni Chidu Narayanan, Standard Chartered economist for Asia, na ang inflation ay maaaring mag-average ng 5.2 percent ngayong 2018 bago bumaba sa 4.9 percent sa 2019.

Aniya, ang mas mataas na government spending sa imprastraktura, gayundin ang impact ng tax reforms, paghina ng piso at pagsipa ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ang nagtulak sa pagbilis ng inflation.

Dahil dito, sinabi ni  Narayanan na maaaring muling itaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates sa ­Hunyo.

Sa kabila nito, binigyang-diin ni Narayanan na matatag ang ekonomiya ng bansa para balewalain ang mataas na interest rates.

“The BSP could hike [policy rates] comfortably without derailing growth,” aniya.

Kamakailan ay itinaas ng central bank ang key policy rates nito sa unang pagkakataon sa loob ng halos apat na taon makaraang pumalo ang inflation sa pinakamataas na antas nito sa loob ng limang taon.

Nagpasiya ang policy-setting Monetary Board (MB) na itaas ang overnight borrowing rate sa 3.25 percent mula sa 3 percent.

Itinaas din ng board ang overnight lending rate mula sa 3.5 percent at ang  overnight deposit rate mula sa 2.5 percent.

 

Comments are closed.