AUSSIE NATAGPUANG PATAY SA HOTEL

ISANG Australian national ang natagpuan patay ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Group (PNP-AVSEGROUP) sa ika-apat na palapag ng tinutuluyan nitong hotel malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang pasaporte na si James Cook, 69-anyos na base sa ulat ay nag-check-in ito noong Huwebes ng umaga sa Wing hotel bilang paghahanda sa kanyang flight pabalik ng Australia.

At sasakay ito sa Jetstar flight bound for Australia via Singapore nang matagpuan patay dakong alas-9:28 ng umaga ng mga hotel crew.

Nakita ng mga ito ang nagkalat na mga dugo sa sahig malapit sa kama at may malaking sugat sa ulo.

Ayon sa impormasyon sinubukan i-revive ng NAIA medical doctor ng NAIA Terminal 3 ngunit wala ng nagawa ang mga ito.

Sa kasalukuyang nagsasagawa ang PNP-AVSEGROUP ng masusing imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ni Cook. FROILAN MORALLOS