UMUSAD si Jannik Sinner sa kanyang unang career Grand Slam final.
Sinilat ng fourth-seeded Italian si top seed at defending champion Novak Djokovic ng Serbia, 6-1, 6-2, 6-7 (6), 6-3, sa semifinals ng Australian Open nitong Biyernes sa Melbourne.
Si Sinner, 22, ay hindi kailanman naharap sa break point sa panalo. Makakasagupa niya si third-seeded Daniil Medvedev ng Russia o sixth-seeded Alexander Zverev ng Germany sa title match sa Linggo.
Ang pinakamatikas na pagtatapos ni Sinner sa isang major tournament ay ang appearance sa Wimbledon semifinals noong nakaraang taon. Natalo siya kay Djokovic sa championship match ng year-end ATP Finals noong nakaraang November makaraang gapiin si Djokovic sa round-robin portion ng event.
Si Djokovic, 36, ay nagtatangka sa kanyang ika-11 Australian Open title. Hindi pa siya natatalo sa Melbourne magmula noong 2018, nagwagi sa apat sa sumunod na limang titulo at hindi nakapaglaro noong 2022 nang ma-deport siya mula sa Australia dahil sa pagiging unvaccinated laban sa COVID-19.
Noong nakaraang taon, si Djokovic ay nanalo sa Australian Open, French Open at U.S. Open, at nabigo sa calendar-year Grand Slam nang mabigo sa Wimbledon final sa isang five-set match laban kay Carlos Alcaraz ng Spain.
Nagwagi si Sinner sa unang dalawang sets, at naisalba ni Djokovic ang nag-iisang break point ng third set sa opening game. Tangan ni Sinner ang match point sa 6-5 sa tiebreaker, subalit nakuha ni Djokovic ang naturang puntos at ang sumunod na dalawa upang i-extend ang laro.
“It was a very, very tough match,” sabi ni Sinner sa kanyang postmatch interview sa court.