(Aussie rider muling naghari sa Stage 4) KORONA ABOT-KAMAY NG DUTCH

Jeroen Meijers

LEGAZPI CITY – Abot-kamay na ni Jeroen Meijers ang titulo sa 10th Le Tour de Filipinas upang maging unang Dutch rider at pangatlong European matapos nina David McCann at Thomas Lebas na na­ging kampeon sa category 2.2 cycling competition na may basbas ng International Cycling Union.

Napanatili ni Meijiers ng Taiyuan Miogee Cycling Team ng China ang overall lead sa oras na 17:03:19 – 45 segundo ang angat sa pinakamahigpit na purple jersey challenger papasok sa final stage ng tour ngayong araw.

Dumikit na parang linta si Meijers sa kanyang closest pursuers patungo sa finish line, kasama ang 13 riders ay nagtala ng magkakaparehong oras na 4:29.13 sa Stage 4 na may 176-ki­lometer distance mula Legazpi via Sorsogon hanggang capital city ng Albay na napanalunan ni Australian Jessie Coyle ng Team Nero Bianchi na dumating sa finish line sa 4:28.41.

Na-miscalculate ni Stage 3 winner Samuel Hill ang sharp curve at sumemplang sa huling 50 kilometro sa bayan ng Casiguran sa Sorsogon, dahilan para mabigo siyang kunin ang ikalawang sunod na stage victories.

Kumalas sina Coyle at Muhammad Shaiful Adian Shukri Mohd sa huling 20 kilometro su­balit tinalo ng una ang Malaysian na dala ang Team Sapura sa rematehan sa huling 500 metro.

Sa kabila na nadominahan ang fourth stage ay wala nang pag-asa si Coyle sa overall crown dahil wala siya sa ‘Magic 10’ na pinangungunahan ni Meijers, kasunod sina Huat Choon Goh ng Malaysian-based Terengganu Cycling Team na may 17:04. 04 at Australian rider Angus Lyons ng Oliver Real Food Cycling team na may 17:04.57.

Walang nabago sa ‘Magic 10’ sa overall maliban sa 10th place na napunta kay local boy Marcelo Felipe ng 7Eleven Continental team mula sa 11th spot na may total time na 17:05.55. Pinalitan niya si  Shuai Li ng China-based Tayuan Miogee Cycling na bumaba sa 11th na may aggregate 17:05.55.

Umakyat din si 2014 champion Mark John Lexer Galedo ng Celeste Cycles sa 14th overall na may 17:08.29.

Kailangang maging maingat si Meijers sa final stage upang pormal na maiuwi ang titulo na binakante ni El  Joshua Carino matapos itong masibak sa kaagahan ng karera.

“I have to be extra cautious and avoid getting into trouble and mechanical problem in the final stage,” sabi ng 26-anyos na Dutch rider.

Ang final stage ay isang  138-kilometer distance na magsisimula sa Legazpi City, dadaan sa siyam na bayan sa lalawigan ng Albay at Sorsogon at magtatapos sa Legazpi.

Samantala, sa kabila na nasa 10th overall lamang at dalawang minuto at 36 segundo ang pagitan sa overall leader, hindi pa rin sumusuko si Felipe.

“Hindi pa tapos ang laban. Marami pang mangyayari sa final stage. It’s not over until it’s over,” sabi ni Felipe na kilala sa kanyang katapangan at hindi basta-basta sumuko sa matin­ding pagsubok.

“Kailangan ang final assault. I have to be aggressive this time and strike if there is an opportunity to mount offensive,” wika ng 29-anyos na taga-Nueva Ecija.

Puntirya  ni Felipe ang ikalawang sunod na korona makaraang maghari sa international-flavored PruLife ­Cycling Championship na ginawa sa Subic Freeport Zone kamakailan. CLYDE MARIANO

Comments are closed.