PAMPANGA – PATAY ang isang Australian at misis nitong Pinay habang sugatan pa ang isang banyaga nang pagbabarilin sa Olongapo City.
Sa inisyal na ulat ng Olongapo City Police naganap ang pamamaril sa Rizal Avenue pasado alas-10:00 ng umaga noong Biyernes.
Sinasabing isa ring banyaga ang suspek at posibleng kasama rin ng mga biktima sa loob ng isang sasakyan.
Ang mga biktima ay pawang lulan ng isang kulay pulang kotse habang ang bumaril sa kanila ay isa ring banyaga na nakasakay rin sa nasabing sasakyan.
Dinala naman sa pagamutan ang banyagang sugatan bunsod ng tama ng bala.
Base sa inisyal na pagsusuri ng Olongapo City police sa mga kuha ng CCTV sa lugar, ang suspek ay kasama mismo ng mga biktima sa loob ng sasakyan nang maganap ang pamamaril.
Wala rin umanong nakitang tama ng punglo na nagmula sa labas ng sasakyan kaya hinihinalang nasa loob din ng kotse ang suspek.
Mabilis tumakas ang suspek na target ngayon ng manhunt operation ng mga pulis habang nagpapatuloy ang follow-up operation para alamin ang relasyon ng suspek sa mga biktima at motibo sa pamamaril. VERLIN RUIZ
Comments are closed.