TULUYANG nang pinalabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang 84-anyos na Australian Professor na si Gill Boehringer sa kabila ng pagmamakaawa nito kay BI Commissioner Jaime Morente na payagang pansamantalang manirahan sa Filipinas.
Matatandaan na pinigil ang dayuhan ng mga tauhan ng BI sa loob ng pitong araw sa “exclusion room o Day Room” ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 dahil sa pagkakasangkot nito sa political rally ilang taon na ang nakalilipas.
Si Boehringer ay dumating sa NAIA Agosto 8, 2018 galing sa Guangzhou, China sakay ng China Southern flight CZ3095, ngunit hindi siya pinayagang makapasok sa bansa dahil sa pagkakasangkot sa rally habang ginaganap ang APEC summit sa bansa noong 2015.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval, sa ilalim ng exclusion procedure ng mga foreign national, matapos na maisilbi ang exclusion order ay ililipat na agad sa kustodiya ng airlines ang dayuhan na kinailangang lumulan na sa eroplano sa anumang available flight pabalik.
Napag-alaman na unang nakarating si Boehringer sa bansa noong 1955 habang nasa serbisyo pa siya bilang Naval Officer ng United States. FROI M.