AUTOMATED POLLS, KASADO SA 3 BARANGAY

NAKATAKDANG magsagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng pilot testing ng automated election system para sa Barangay at Sangguniang Kabataang elections o BSKE sa tatlong barangay sa bansa.

Sinabi ng Comelec na ang mga botante sa dalawang barangay sa Dasmarinas,Cavite at isa pang barangay sa lungsod ng Quezon ay maaring bumoto sa pamamagitan ng automated voting sa Oktubre 30.

Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, maaring magamit din ang makina sa barangay election sa 2026 kung sakaling ito ay maayos pang gamitin.

Aniya, kung mangyayari ito ay maaring makatipid at mapapabilis pa ang pagbilang ng mga balota sa mga presinto kumpara sa mano-manong pagbilang ng mga balota.

Una nang sinabi ni Garcia na habang ang tatlong barangay ay magsasagawa ng automated elections, idadaos pa rin naman ang manual voting, na may SD card na pisikal na ihahatid sa canvassing area.

Bago ang pilot testing, isasagawa ang dry run sa nasabing mga lugar upang matiyak ang maayos na implementasyon ng naturang halalan. PAUL ROLDAN