AUTOPSIYA KAY DAYAG SA HUNYO PA

Autopsiya

MAYNILA – AABUTIN pa ng isang buwan ang resulta ng re-autopsy sa labi ng overseas Filipino worker na si Constancia Dayag na pinatay umano ng kanyang amo sa Kuwait bago ito magbalik-bansa at makauwi sa kanyang pamilya sa Isabela.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) naisagawa na nila ang reautopsy sa labi ni  Dayag, 47-anyos subalit sa susunod na buwan pa malalaman ang resulta.

Ayon kay NBI spokesman and Deputy Director Ferdinand Lavin, kumuha na sila ng  sample tissue sa katawan ng biktima.

Batay naman sa resulta ng unang autopsy kay Dayag ng Kuwaiti authorities, dumans ito ng hematoma at concussions, at may ulat din na namolesitya ito ng  kanyang amo.

Sinabi naman ng mga anak ni Dayag na nasa Isabela, bagaman hindi nababanggit ng biktima sa kanila na ito ay sinasaktan ay napapansin nilang may mga galos at pasa ito.

Si Dayag ay apat na taon nang namamasukan bilang kasambahay.

Noong Mayo 16 ay pauwi na sana ito sa Filipinas subalit nabigo ang pamilya nito nang malamang patay na ito. AIMEE ANOC