BUKIDNON- UMAASA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na babagsak na ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippine (CPP-NPA-NDFP) kasunod ng pagkamatay ni George “Ka Oris” Madlos, isa sa mga natitirang most senior officer ng komunista sa Sitio Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon.
Kasabay ito nagpahayag ng CPP-NPA na si Ka Oris ay hindi napatay sa armed encounter kundi tinambangan.
Ayon kay Ka Maria Malaya si Ka Oris ang kanyang medical aide ay lulan ng motorsiklo ng isagawa ng military ang pananambang.
Magugunitang inihayag ng militar na naglunsad sila ng joint AFP at PNP operation sa pinagkutaan ng mga rebelde kung saan napatay si National Democratic Front Mindanao spokesperson Jorge Madlos alyas Ka Oris kasama ang kanyang babae na medical aide.
Sa ginanap na pulong balitaan ay inilahad ni 4th ID commander Maj. Gen. Romeo Brawner Jr., na nakipagpalitan pa umano ng putok ang may 30 tauhan ni Ka Oris at gumamit pa ng landmines kaya humingi ng tulong ang 403rd Infantry Brigade sa Philippine Air Force (PAF) para magsagawa ng aerial assault bago pinasok ng groun troops ang area.
Sinabi ni Brawner na ang pagkamatay ni Ka Oris na aktibo sa pakikibaka simula dekada 70 sa Caraga Region ay hudyat para matigil na ang kanilang panggugulo sa rehiyon ng Mindanao.
Ang 72-anyos na si Ka Oris na taga-General Luna, Surigao del Norte ay kasalukuyang mayroong patong sa ulo na P7.8 milyon dahil sa mga kasong multiple murder, homicide, kidnapping, arson at destruction of property sa magkakaibang korte sa bansa.
Dagdag ng heneral, hindi agad ibinaba ang bangkay ni Ka Oris sa encounter site habang hindi pa lumalabas ang RT-PCR test para masiguro na hindi mahawa ang mga sundalo kung sakali na positibo ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hiniling naman ng pamilya nina Ka Oris at Ka Pica, ang medical officer na kasamang napatay na isailalim ng isang independent pathologist sa medicolegal examination ang mga bangkay para matiyak kung ano talaga ang nangyari salikod ng kanilang pagkamatay. VERLIN RUIZ