LUMAPIT ang Japan sa pagwalis sa Pool B kasunod ng 25-22, 25-22, 25-22 pagbasura sa Chinese-Taipei sa AVC Cup for Women kahapon sa Philsports Arena.
Nalusutan ng Japanese ang mabagal na simula sa third set, tinapos ang one-hour, 45-minute contest sa kill ni Mizuki Tanaka.
“It’s kinda hard for us to get on our own pace but at the end, we were able to play our volleyball. That was really nice,” sabi ni Japan setter Mika Shibata sa pamamagitan ng isang interpreter.
Bumanat si Yuki Nishikawa ng 11 kills, kabilang ang walo sa first set, habang kumana si Miyu Nakagawa ng tatlong blocks at dalawang service aces para sa nine-point outing para sa Japanese. Nagtala sina Tanaka at Asuka Hamamatsu ng tig-9 na kills.
Umaasa ang Japan, na tinalo rin ang Thailand sa straight sets sa opener noong Linggo, na aangat pa ang lebel ng kanilang paglalaro sa pagpapatuloy ng torneo.
“We are getting better and better, little by little. We got to play our volleyball. The fact that we are winning two games in a row, that’s great,” wika ni Shibata, nagtala ng tatlong attacks at isang ace.
Nanguna si Chang Li-Wen para sa Taiwanese na may 16 points habang nagdagdag si Lin Shu-Ho ng 10 points.
Samantala, naiposte ng China ang 25-12, 25-6, 29-31, 21-25, 15-12 panalo kontra Vietnam upang kunin ang solo lead sa Pool A.
Nagbuhos si Zhou Yetong ng 27 points, nag-ambag si Zhuang Yushan ng 21 kills, habang nagtala sina Wu Mengjie at Hu Mingyuan ng 17 at 16 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Chinese.