AVC CUP: PH PINISAK ANG AUSTRALIA, UMUSAD SA 5TH PLACE MATCH

DINISPATSA ng Pilipinas ang Australia, 21-25, 25-19, 19-25, 25-18, 15-12, sa isang five-set thriller upang mapalakas ang kanilang tsansa na tumapos sa fifth place sa AVC Cup for Women nitong Linggo sa Philsports Arena.

Nagbuhos si Tots Carlos ng 26 points, kabilang ang match-clinching kill upang tapusin ang mainit na two-hour, 31-minute contest na nagbigay sa national women’s team ng panalo sa event na hinost ng Philippine National Volleyball Federation.

Mistulang pagal makaraang matalo sa Thailand, 18-25, 25-23, 20-25, 9-25, sa quarterfinals noong Sabado, ang mga Pinay ay nagpakita pa rin ng katatagan upang manaig sa kabila na naghabol sa 1-2 sa sets.

“We have nothing to lose. They have gone through in those kind of situations before so they have experience. I just told them to simply just enjoy the game and then limit your basic errors,” sabi ni coach Sherwin Meneses.

Nakasisiguro na sa pinakamagandang pagtatapos sa ikalawa pa lamang nitong paglahok sa AVC Cup for Women, umaasa ang Pilipinas na matikas nitong tutuldukan ang kampanya kontra Chinese-Taipei, na naunang namayani sa Iran, 25-23, 25-19, 25-17, sa 5th-6th place classification match ngayong ala-1 ng hapon.

Ang bansa ay tumapos sa ninth place sa debut nito sa 2018 edition sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Hataw rin si Jema Galanza para sa national women’s team na may 18 points, habang gumawa si Ced Domingo ng 3 blocks para sa 8-point effort para sa national women’s team.

“It was a lot of teamwork really,” sabi ni setter Jia de Guzman. “Everyone came together. Everyone did their roles. We really wanted it more this game.”

Makakaharap ng Volleyroos ang Iranians sa duelo para sa 7th at 8th place sa alas-10 ng umaga.

Umiskor si Huang Ching-Hsuan ng 14 points, kabilang ang 2 blocks, habang nagdagdag sina Kan Ko-Hui at Chen Tzu-Ya ng tig-10 points para sa Taiwanese.