AVC CUP: SEMIS TARGET NG PINAYS

PUNTIRYA ng Pilipinas ang isang semifinals berth sa pagharap sa Southeast Asian queens Thailand sa AVC Cup for Women quarterfinals ngayong Sabado sa Philsports Arena.

Nakatakda ang laro sa alas-8 ng gabi.

Nalusutan ng mga Pinay ang Iran at young South Korea upang tumapos sa third sa Pool A na may 2-2 record. Pumangalawa ang Thais, ang 2012 champions, sa Pool B na may 2-1kartada.

Hindi na bago kay coach Sherwin Meneses ang mga ganitong sandali kung saan isa siya sa mga pinagkakatiwalaang assistant ni coach Dante Alinsunurin sa makasaysayang silver medal run sa 30th Southeast Asian Games noong 2019. Isa sa highlights ang stunning reversal ng bansa sa Thais sa semifinals.

“Iba ‘yung pakiramdam kasi women’s to men’s ‘yun tapos assistant coach ako don sa men’s. Dito, head coach na ako. Masaya ako na na-experience ko ‘yung men and women group,” sabi ni Meneses.

“Hopefully, makapanalo tayo ng isa dito na mabigat kasi ‘yung Thailand kilala naman natin sila. Pero bilog ang bola. Last time sa men’s, napanalo natin ‘yun. Hopefully, sa women’s makapanalo,” aniya.

Anuman ang maging resulta ay nahigitan na ng bansa ang ninth place finish sa 2018 edition sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Isa sa pinakaaabangang match-ups ay sa pagitan nina setter Jia de Guzman at Thai counterpart Pornpun Guedpard, na naging top playmaker ng bansa makaraang magretiro si legendary Nootsara Tomkom sa kanyang national team duties, dalawang taon na ang nakalilipas.

“Pornpun is playing for the national team for the longest time. We know how fast-paced she can set, she has the height. So we will do our best that we can,” ani De Guzman, na nasa kanyang unang international stint matapos ang 30th Southeast Asian Games noong 2019.

Malaki ang paggalang ni Pornpun sa play ni De Guzman.

“Yes I have met her in the SEA Games. She is a very good player, very good setter. I think she can bring the best of them,” sabi ni Pornpun patungkol kay De Guzman.

Nakatutok ang lahat kina Philippines’ top guns Tots Carlos, Jema Galanza at Michele Gumabao sa kung paano sila makikipagsabayan kina Thailand aces Chatchu-on Moksri, Sasipapron Janthawisut at Pimpichaya Kokram.

Sa iba pang quarterfinal matches, makakasagupa ng Pool A winners China ang Pool B’s No. 4 Australia sa alas-2 ng hapon, habang magsasalpukan ang Pool B topnotcher Japan at Pool A’s No. 4 Iran sa alas-5 ng hapon.

Bubuksan ng Pool A runner-up Vietnam at Pool B’s third placer Chinese-Taipei ang hostilities sa alas-11 ng umaga.

Lalaruin ang semifinals sa Linggo habang ang medal at classification matches ay idaraos sa Lunes.