AVERAGE NG DAILY NEW COVID-19 CASES BUMABA NG 27%

INIULAT ng OCTA Research Group na nakapagtala na ang National Capital Region (NCR) ng 27% pagbaba sa naitatala nitong average na daily new COVID-19 cases o mas mababa pa sa 1,500 kaso na lamang, nitong nakalipas na linggo.

“The average new COVID-19 cases per day in the NCR decreased by 27 percent to 1,479 for the period from May 10 to 16, 2021,” ayon pa sa pinakahuling bulletin na inilabas ng OCTA nitong Lunes.

Sinabi naman ni OCTA Research Fellow Prof. Guido David na ito ay magandang improvement mula sa dating 1,930 daily new cases.
Bukod dito, iniulat din ng OCTA na ang iba pang indikasyon hinggil sa pagkalat ng COVID-19 cases ay pababa na rin.

Anang independent research group, bumaba rin sa 0.57 ang reproduction number sa NCR, o yaong bilang ng mga taong naihahawa ng isang pasyente ng sakit, habang ang positivity rate ay bumaba rin sa 11%.

Nabatid na ang reproduction number na 0.57 ay nangangahulugan na ang bawat virus carrier ay nakapagta-transmit ng ‘less than one infection,’ habang ang 11% positivity rate naman ay doble pa rin sa ideyal na 5% lamang na itinatakda ng World Health Organization (WHO).

Samantala, ayon pa rin sa OCTA, ang Average Daily Attack Rate (ADAR) sa NCR ay nasa 10.71 per 100,000.

“DOH considers ADAR above 10 as high risk while an ADAR below 10 is classified as moderate risk,” anang OCTA.

Ayon pa sa OCTA, ang health utilization rate (HCUR) sa NCR hanggang noong Mayo 15 ay nasa 45%, na may intensive care unit (ICU) occupancy na 57%.

“DOH considers less than 60% utilization as safe,” anang OCTA Research. “Fourteen LGUs are classified as safe in terms of HCUR.”

Sinabi rin ng OCTA na base sa DOH guidelines, may pitong local government units (LGUs) na rin ang klasipikado bilang moderate risk, kabilang dito ang Navotas, Malabon, Manila, Taguig, Caloocan, Pasay at Muntinlupa. Ana Rosario Hernandez

5 thoughts on “AVERAGE NG DAILY NEW COVID-19 CASES BUMABA NG 27%”

Comments are closed.