AVIAN INFLUENZA PREVENTION AND CONTROL

MARAMING backyard farmers sa bansa ang nababahala sa pagputok ng balita tungkol sa Avian Flu sa Pangasinan.

Baka raw kasi maapektuhan din sila.

Daan-daang manok kasi ang namatay sa ilang barangay sa bayan ng Labrador dahil daw sa nasabing outbreak.

Ngunit lumitaw naman sa imbestigasyon ng lokal na pamahalaan na Newcastle Disease (ND) outbreak ang tumama sa kanilang lugar at hindi Asian Avian Influenza (H5N1) na mas mapanganib daw.

Sabi nga ni Dr. Joel Abalos, municipal veterinarian (OMVet) ng Labrador, tinatayang 600 chickens na ang pumanaw mula sa malalaking big poultry farms sa Barangays Bolo, Gonzalo, Poblacion, at Dulig.

Hindi pa kasama sa bilang na iyon ang backyard poultry farms. Sa pagtaya nila, aabot sa P120,000 ang nalugi sa mga magsasaka.

Ang ND at Avian Flu ay parehong nakapagdudulot ng high mortality at matinding pagbaba ng egg production.

Gayunman, nilinaw ni Abalos na hindi nakaaapekto sa tao ang ND, hindi katulad ng Avian Flu.

Sinabi ng OMVet na hindi pa nila ikinokonsidera sa ngayon ang pagsasagawa ng ‘culling’ o maramihang pagpatay ng mga manok dahil makokontrol na ng disinfection at vaccination ang outbreak.

Agad ding nagkasa ng mass vaccination sa mga apektadong barangay sa bayan ng Labrador.

Maaaring nadala raw ng migratory birds ang ND at posibleng may nagaganap na local transmission.

Kaya nanawagan si Abalos sa poultry farms at backyard raisers na pabakunahan ang kanilang mga alagang manok.

Mabuti naman at ND lang ang tumama sa mga manok at hindi bird flu o Avian influenza na naipapasa sa tao.

Noon nakaraang taon, maaalalang nagbabala ang World Health Organization (WHO) laban sa bird flu matapos tamaan ang pitong manggagawa sa isang poultry farm sa Southern Russia.

Kahit hindi naman seryoso ang sakit, nakababahala pa rin ito.

Kaya nag-request ang Department of Agriculture (DA) ng P100 milyon para sa Avian Influenza Prevention and Control Program upang maiwasan ang outbreaks ng H5N1 strain ng bird flu.

Mismong si Agriculture Secretary William Dar ang lumiham kay House Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda na nagsasaad na dapat kumilos ngayon pa lamang upang masagkaan ang posibleng pagkalat ng mas nakakahawang avian disease sa mga farm sa hinaharap.

Ayon kay Salceda, co-chair din ng House Economic Stimulus and Recovery Cluster, inihirit niya rin ang pagkakaroon ng hiwalay na item sa National Livestock Program para sa 2023 national budget.
Inihahanda na kasi ng Department of Budget and Management (DBM) ang pambansang badyet para sa susunod na taon.

Sinasabing may consolidated efforts din ang DA, Bureau of Animal Industry (BAI), DA Regional Field Offices at iba’t ibang Local Government Units (LGUS) upang maiwasan at makontrol ang confirmed cases ng avian influenza na maaaring tumama raw sa duck at quail farms sa ilang lugar sa Luzon.

Mahalaga ang maagap na aksiyon ngayon pa lamang.

Tandaan na ang bird flu ay nakukuha sa mga inaalagaang manok habang naipapasa naman ito dahil sa pagkalanghap o kontaminasyon sa dumi ng mga infected na alaga.

Ang posibleng dahilan daw kaya naipapasa ito sa tao ay dahil sa hindi maingat na paghawak sa mga maysakit na manok.

Ang madalas naaapektuhan ng bird flu at iba pang sakit sa mga alagang manok at itik ay mga bansa sa Asya.

Natatandaan ko pa na ang unang kaso ng bird flu na naipasa sa tao ay naitala noong 1993 sa Hong Kong kung saan lumaganap din ito sa Vietnam at China.

Na-detect naman ang unang kaso ng bird flu sa bansa sa isang maliit na manukan sa Calumpit, Bulacan noong Hulyo 2005.

Ang karaniwang sintomas ng bird flu ay ubo, lagnat, pananakit ng lalamunan, kalamnan at tiyan, pagduduwal, pagsusuka at pagtatae.

Naku, sunod-sunod na sakit ang mga sumasapol ngayon sa buong mundo.

Hindi pa nga tayo nakakabangon mula sa salot at mapaminsalang COVID-19 ay heto at pumuporma na ang bird flu at iba pang sakit na posibleng lumumpo pa lalo sa ating ekonomiya.