AVIGAN TRIAL TARGET PA RIN MASIMULAN NGAYONG SETYEMBRE

Maria Rosario Vergeire

HANGGANG sa ngayon ay hindi pa rin nasisimulan sa Filipinas ang clinical trial para sa anti-flu drug na Avigan bilang lunas sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kinumpirma ito ni  Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa isang online forum.

Ipinaliwanag naman ni Vergeire na ang pagkaantala ng naturang clinical trial ay dahil sa ginagawa pang pagsasaayos ng ilang legal na dokumento para rito.

Ayon kay Vergeire, hinihintay pa nila ang pagsasapinal ng mga naturang dokumento upang masimulan ang trial.

Aniya pa, umaasa silang mapapasakamay ang mga dokumento sa susunod na linggo.

Paglilinaw naman niya, target pa rin nilang masimulan na ang aktibidad ngayong buwang ito.

“We are just waiting for the finalization of the documents, ‘yung clinical trial agreement at saka ‘yung iba pang mga documents,” ani Vergeire, sa isang online forum.

“‘Yung clinical trial agreement we are still waiting that these be signed by the chancellor of UP Manila so hanggang ngayon nasa kanila pa rin… Ito na lang clinical trial agreement ang ating hinihintay, so hopefully by next week we can have this already,” aniya.

Una nang sinabi ng DOH na plano nilang simulan ang clinical trial ng Avigan noong Agosto, ngunit naipagpaliban ito ng Setyembre 1, ngunit pa rin ito natuloy.

Sa panig naman ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo, sinabi nito na ang pag-aaral sa Avigan ay inaprubahan na noon pang Hulyo.

Ayon kay Domingo, ang preliminary results ay maaring makita na sa kalagitnaan ng trial.

Maaari rin aniyang makatulong sa pagpapabilis ng registration process ng naturang gamot sa Filipinas ang progreso ng clinical trials nito sa Japan.

Paliwanag ni Domingo, kung konklusibo na ang clinical trials sa Japan, maaari nila itong gamitin para sa pagrerehistro ng naturang produkto  sa Filipinas.

Nabatid na ang Avigan clinical trial sa bansa, na tatagal ng hanggang siyam na buwan, ay inaasahang lalahukan ng may 100 pasyente sa mga piling pagamutan, kabilang ang Philippine General Hospital, Sta. Ana Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Quirino Memorial Medical Center. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.