AWARD OF EXCELLENCE NASUNGKIT NG SANITATION CAMPAIGN NG DOH

DOH

NAGKAMIT ng award of excellence sa katatapos na 16th Philippine Quill Awards ang sanitation campaign ng Department of Health (DOH) na ‘Goodbye, Dumi! Hello, Healthy!’

Ayon sa DOH, ang naturang proyekto ay isang health promotion campaign na humihika­yat sa mga Pinoy na iwasan na ang ‘open defecation’ at pagdumi o pagtatapon ng human waste kung saan-saang lugar na lamang tulad ng mga bukirin at daanang tubig.

Tinukoy rin ito ng International Association of Business Communicators (IABC) bilang outstanding communication management program sa ilalim ng non-profit campaign category.

Ipinagpasalamat naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagkakamit ng programa ng naturang parangal, lalo na at ang Quills ay isa sa mga pinakaaasam na parangal sa larangan ng komunikasyon sa Filipinas.

“Achieving zero open defecation is not easy. Households and communities need to be aware and prepared. All our efforts will be for naught if families will not change their behaviors,” ayon pa kay Duque.

Nabatid na ang pag-eliminate ng open defecation sa taong 2022 ay isa sa mga layunin ng DOH-National Sustainable Sanitation Plan (NSSP).

Giit ng DOH, delikado sa kalusugan ng mga mamamayan ang hindi wastong pagtatapon ng human waste dahil maaari itong maging sanhi ng sanitation related diseases tulad ng intestinal parasitism, acute gastro-enteritis, cholera, at typhoid, na lahat ay maaaring magdulot ng malnutrisyon, pagkabansot at maging kamatayan, sa mga bata.

Unang ipinatupad ang programa sa Masbate noong 2014, at kasalukuyan na ring ipinatutupad sa lahat ng rehiyon sa Filipinas.  Napakinaba­ngan na rin ito ng mahigit 100,000 katao sa may 60 komunidad.

Nabatid na noong 2017, napanalunan ng “Goodbye, Dumi! Hello, Healthy!” ang unang Quill Award of Excellence para sa research nito hinggil sa impact ng kampanya sa mga piling komunidad sa Masbate.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.