AWARENESS CAMPAIGN SA ISYU NG WEST PHL SEA PALALAKASIN

NAIS  ni Senator Robin Padilla na palakasin ang awareness campaign sa isyu ng West Philippine Sea.

Hinikayat ni Padilla ang Presidential Communications Office (PCO) na paigtingin ang public information at awareness campaign para kontrahin ang mga fake news sa mga isyu sa West Philippine Sea (WPS)

Sa inihaing Senate Resolution 864, hinihiling ni Padilla sa PCO na ipaunawa sa publiko ang mga dokumento at kasunduan sa likod ng pagkilos ng pamahalaan sa WPS.

Tinukoy pa sa resolusyon na bahagi ng misyon ng PCO na epektibong iparating at ipakalat ang mga polisiya, prayoridad na programa at proyekto ng administrasyon sa pamamagitan ng media.

Sinabi pa ni Padilla, Chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na habang patuloy ang pagbabago sa security landscape ng bansa, mahalaga na makapagbigay ang PCO ng malinaw, up-to-date, at tamang impormasyon na may kaugnayan sa kinakaharap na mga hamon sa seguridad ng bansa.

Partikular na ipapaliwanag ng PCO ang mga dokumento at kasunduan na naging batayan ng mga polisiya at kilos ng Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Ruling, US-Philippines Mutual Defense Treaty, at Reciprocal Access Agreement. LIZA SORIANO