May kasabihan sa salitang Ingles na kapag nag-away ang dalawang galit na mga babae ang tawag nila ay ‘cat fight’. Ito ay dahil kapag nag-abot ang dalawang babae, ang pangunahing gamit nilang sandata ay sa pamamagitan ng kanilang mga kuko. Nagkakalmutan sila maliban sa sabunutan at sampalan.
Hindi tulad kapag nagpang-abot ang mga lalaki sa away, suntukan ang normal na estilo ng awayan. Walang nangangalmot. Kaya naihambing na ngayon ang away babae bilang ‘cat fight’ o away ng mga pusa maski na walang pisikal na away ang mga ito.
Nasabi ko ito dahil sa mainit na bangayan ng dalawang mga babae na masasabi nating maimpluwensiya sa kasalukuyan sa ating bayan. Ito ay sina Vice President Leni Robredo at ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Inday Sara Duterte-Carpio na kasalukuyang Mayor ng Davao City at pangulo ng bagong tatag na partidong politikal na Hugpong ng Pagbabago.
Sina Robredo at Inday Sara ay nasa magkabilang ibayo ng mundo ng ating politika. Si Robredo bilang oposisyon at si Inday Sara naman bilang isa sa nagunguna sa pagtulong sa administrasyon ng kanyang amang si Pangulong Duterte.
Dito ngayon nag-umpisa ang bangayan ng dalawa nang sabihin ni Inday Sara na hindi kailangan na tapat o honest ang isang kandidato upang makapagsilbi sa bayan. Sinalungat ito ni Robredo.
Naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang mensahe ni Inday Sara rito. Masakit man pakinggan sa tainga ang kanyang sinabi, subali’t nagpapakatotoo lamang siya sa kanyang sinabi. Dahil wala naman talagang tapat o honest na politiko na nagsilbi sa ating bayan.
Ang mahalaga ay naka-pokus ang isang lider upang ayusin ang bayan at iangat ang pamumuhay ng bawa’t mamamayan. Sa pamamalakad, upang matupad ito, nangangailangan na minsan ay hindi maging tapat at gamitin ang kamay na bakal upang maiusad ang mga programa at reporma.
Palagay ko hindi tinutukoy ni Inday Sara ang pagiging hindi tapat sa politika sa korupsiyon. ‘Yun yata ang nais idikit na argumento ni Robredo sa pahayag ni Inday Sara. Ang hindi pagiging tapat ay ang ugat ng korupsiyon.
Teka, kailan ba hindi nawala ang isyu ng korupsiyon sa mga nakalipas na administrasyon? Marcos? Cory Aquino? Fidel Ramos? Gloria Arroyo? Noynoy Aquino?
Marahil nagpapakatotoo lamang si Inday Sara. Hindi siya nakikipagbolahan sa mga bagay bagay na nangyayari sa ating lipunan. Subali’t karamihan sa atin ay nagkukunwari na ang lahat ay umiikot lamang sa idolohiya ng moralidad at integridad. Totoo. Maganda sana kung ito ay mangyari. Pamarisan sana natin. Subali’t hindi ito ang totoong nangyayari sa buhay… lalong-lalo na sa ating mga politiko.
Tuloy binalikan ni Inday Sara si Robredo kung ang pag-uusapan ay moralidad at integridad tungkol sa umiikot na tsismis sa kanya at paratang na pandaraya noong nakaraang eleksiyon kung saan maliit lamang ang kanyang lamang kay Bongbong Marcos sa pagka-bise presidente.
Mahaba pa ang eleksiyon. Marami pang isyu ang lalabas. Sana lamang ay hindi umabot sa pisikal ang ‘cat fight’ o away pusa nina Robredo at Inday Sara.
Kung inyong matatandaan may sinuntok si Inday Sara na isang deputy sheriff nang hindi niya sinunod ang utos na hintayin siya bago idemolis ang squatters area sa Davao. Hindi marunong mangalmot si Inday… nananapok!
Comments are closed.