(Away sa lupa ang motibo) PAMILYA INAMBUS: 3 PATAY, 3 MALUBHA

RIZAL- PATAY ang tatlo katao habang ginagamot pa sa ospital ang tatlong sugatan matapos tambangan ng tatlong armadong lalaki kamakalawa ng Gabi sa Antipolo City sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat ni Col. Dominic Baccay Rizal PNP Provincial Director, kinilala ang mga nasawi na sina Andrei Mosquete, Dennis Payla alyas Balingit at Rodolfo Dela Rosa.

Habang nilalapatan naman ng lunas sa ospital sina Eduardo Dumangas , Avelina Dumangas at Gemina Amores.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:20 kamakalawa ng gabi naganap ang insidente sa Sitio Cabading Marcos Highway, Brgy., Inarawan kung saan sakay umano ang mga biktima ng isang kotse mula Sitio Cabading patungo sa bahagi ng Padilla habang naka-convoy ang tatlong suspek na sakay naman ng motorsiklo at ng isang Honda Sedan.

Pagdating umano sa lugar ng pamamaril hinarang ng mga suspek na armado ng mga baril ang sinasakyan ng mga biktima at pinagbabaril ang mga ito.

Dead on the spot ang mga biktimang sina Mosquete, Payla at dela Rosa sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad naman tumakas ang mga suspek sakay ng get-away motorsiklo patungo sa bahagi ng Baras, Rizal habang ang tatlo pang biktima ay mabilis namang naitakbo pa sa ospital kung saan nilalapatan ng lunas.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na may kaugnayan sa away lupa ang motibo ng pagpatay dahil nasasangkot umano ang pamilya ng mga biktima sa boundary dispute.

Ayon sa pulisya, nahulog sa bangin ang kotseng sinasakyan ng mga biktima ngunit agad itong nasaklolohan ng mga residente sa lugar na mabilis na humingi ng saklolo sa awtoridad para madala sa ospital ang mga biktima. ELMA MORALES