CEBU- DEAD on the spot ang isang buntis na ginang at kanyang ama matapos silang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay dahil sa iringan sa lupa sa Purok 12, Barangay Cadulawan bayan ng Minglanilla sa lalawigang ito.
Ayon kay Capt. Kalvin Golitod, Officer-in-Charge ng Minglanilla Police Station, sugatan din sa pamamaril ang kapatid na babae ng biktima.
Kinilala ang mga nasawi na sina Alfredo Herbias, 67-anyos at anak nitong si Marjorie Herbias -Caparida, 30-anyos na pitong buwang buntis.
Kasalukuyan namang nagpapagaling sa pagamutan ang isa pang anak na babae na kinilalang si Florijen Bastatas, 35- anyos na nagtamo rin ng mga tama ng bala .
Agad namang nadakip sa follow up operation ang 62- anyos na suspek na kinilalang si Vergilio Sayago ng nasabi ring barangay.
Base sa imbestigasyon matagal ng may alitan ang magkapitbahay dahil sa lupain ng mga biktima.
“Dahil sa awayan sa lupa, sa boundary,” ani Capt Golitod .
Tumindi ang kanilang away nang sitahin ng suspek ang mga biktima dahil sa umano’y pamumutol ng mga ito ng tanim niyang niyog na nasa hangganan ng kanilang lupain.
Dahilan umano para magpuyos sa galit ang suspek na humantong sa pamamaril gamit ang isang 357 magnum.
Walang bahid na pagsisisi ang suspek na makaharap ng mga imbestigador, plano nga raw umano ng suspek na ubusin ang pamilya ng mga biktima subalit, nagluko lamang ang baril na nabili niya kapalit ng alagang manok. VERLIN RUIZ