AWAY SA PARKING TANOD PATAY, 1 SUGATAN

PATAY ang isang barangay tanod habang nasa malubha namang kalagayan ang isa pa matapos na magkainitan dahilan sa paradahan na nauwi sa saksakan na naganap kamakalawa ng gabi sa Gabriela Street, Barangay 53 sa Tondo, Maynila.

Batay sa report ng pulisya ang biktima na binawian ng buhay ay nakilalang si Alejandro Navajas, 45 -anyos, barangay tanod, at dumayo lang sa lugar upang dalawin ang biyenan na may sakit.

Ang naturang insidente ng pag-aaway sa pagitan ni Navajas at ng isang lalaki na kaalitan nito ay nakita sa CCTV kung saan nakitang may tama na ito sa dibdib na sinasabing unang nasaksak ni Navajas nang magpang-abot ang dalawa sa eskinita.

Tinangka ni Navajas na umalis sakay ng kanyang motorsiklo pero pinigilan siya ng lalaki at saka inundayan ng sapak.

Inawat sila ng anak ng nakaalitan ni Navajas subalit nang makitang duguan ang kanyang ama, kumuha ito ng patalim at saka sinaksak mula sa likuran si Navajas.

“Nung pupuntahan namin, nakita namin na may duguan na isa kaagad. Tapos nakita siguro nung anak niya na duguan ‘yung tatay niya, tumakbo dun sa kabilang eskinita, hindi na namin mapigil dahil may hawak na kutsilyo kaya sinaksak niya kaagad ‘yung isang tao,” ayon kay Alvin Ingaran, barangay tanod ng Barangay 53, sa Tondo, Maynila.

Base sa salaysay ng asawa ni Navajas sa barangay, alitan umano sa parking ang pinagmulan ng away.

“Ayon po sa kanyang asawa, e nagparking daw po siya dito sa labas ng Gabriela, parang pinapaalis si Navajas na nagagalit. Ngayon, nagtalo sila, sa loob pa lang ng eskinita, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan,” sabi ni P/B Eric Santos ng Barangay 51 sa Tondo, Maynila.

“Nakatakbo pa ‘yung sinaksak kaya lang pagdating ng ilang mga hakbang, e bigla na lang siyang bumulagta,” dagdag niya.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay.

Habang kritikal naman ang kondisyon ng nakaalitan ni Navajas na dinala rin sa pagamutan.

Nananawagan ang barangay na sumuko na ang nakatakas na suspek.
Evelyn Garcia/ Paul Roldan