Nenet L. Villafania
KUNG usapang nanay din lamang naman ang topic, aba, uunahin ko na ang nanay ko – si Julia Ularte Lapitan Villafania y de Castro. Hindi ko masasabing close kami ng nanay ko dahil hindi naman talaga. Bribe kasi ako sa Lola Felicidad ko kaya sa lola ako lumaki. Nagtanan kasi ang nanay at tatay ko noong panahong bedridden ang Lolo Jose ko kaya nagalit si Lola. Namatay si Lolo Jose sa katandaan noong January 11, 1960 at ipinanganak naman ako noong March 18, 1960 at noon lamang pinatawad ng lola ko ang nanay at tatay ko.
Nang mamatay ang lola ko noong 1968, ibinalik ako sa nanay ko, pero dahil may mga kapatid na akong iba at sanay akong ako lang ang paborito, naging aloof ako sa kanila.
Suberbya. Siguro, yon ang best description sa akin noong bata pa ako. Non-conformist kasi ako at ipinipilit ko ang gusto ko basta alam kong tama. Kesehodang mapalo ako o masampal! At ang nanay ko naman, super Gestapo – daig pa si Hitler kung magbantay. Dapat, 6:00 pm, nasa bahay na. Nang magdalaga ako, bawal sabayan ng lalaki sa kalsada. Lahat ng manliligaw ko, hindi raw bagay sa akin – as if Miss universe candidate ang anak nya, ew!
Sayang, wala na akong pictures ng nanay ko dahil nasira lahat noong mag-Ondoy, pero vivid ang memories niya sa akin. Hindi siya katangkaran sa height na 5’1” at lagging nagpapakulot ng buhok. Lagi ring nakasimangot dahil laging pagod sa pagtatrabaho, at decisive sa lahat ng desisyon niya. In fact, nung bata pa kami na pinahihinto siya ng tatay ko sa pagtitinda ng tanigue sa palengke, hinsi siya sumunod. Ang sweldo kasi ng tatay ko sa isang buwan ay ang kinikita naman ng nanay ko sa isang araw lamang. Anyway, nagkasundo naman sila eventually na magtulong na lamang sa negosyo.
Tinatanong ninyo kung anong klaseng nana yang nanay ko? Iron-willed siya at may palabra de honor. Kapag sinabi niya, sinabi niya. Kahit walang kontrata pwede mong panghawakan. Marami kaming namanang good virtues sa kanya bilang mga anak, na naipamana rin namin sa aming mga anak at apo.
Maganda ang boses ng nanay ko. Paborito niyang kanta ang Noche Asul at Granada ni Sylvia La Torre. Natatandaan kong lahat ng kapatid ko ay kinakantahan niya hanggang sa makatulog kaya ako rin ay nahilig sa pagkanta at alam ko rin ang mga kanta niya.
Sabi ng isang classmate ko, “lahat naman ng ina, uliran.” Mali siya diyan. Maraming walang pakialan sa anak.
Maswerte lang kami dahil matitinong ina ang napunta sa amin, kaya naisip kong i-feature yung mga katulad kong name-miss ang nawala nilang ina. Si nanay kasi, sa kabila ng pagiging masungit at mahigpit niya, siya pa rin ang nagging lakas ko noong panahong gusto ko nang sumuko sa buhay. Nanay lang kasi ang nagmamahal na hindi naghihintay na mahalin mo siya pabalik.
Nang mamatay si Nanay noong November 23, 1998 sa sakit na bone cancer, na-realize kong napakahirap palang maging ina. Ginawa mo nang lahat pero parang kulang pa rin. Bayani ang mga ina in their own selfless way. Kasi, hindi naman pare-pareho ng paraan ang mga ina sa pagmamahal sa kanilang mga anak. Tulad na lang ni Leny Rojo at ng kanyang ina.
“Pito kaming magkakapatid at inalagaan niya kami, minahal at pinrotektahan,” ani Leny Rojo San Gaspar, retired Principal sa isang iskwelahan sa Davao. “ Tinulungan niya kami to be our best self. Sabi ng nanay ko, lahat ng hirap ay nalalampasan. Tama siya. Sa mga dinanas ko sa buhay, kung hindi niya ako naturuan ng maayos, walang mangyayari sa buhay ko. Sa Zamboanga City ako ipinanganak, ilan lang ang nakakaalam niyan.”
“Mahigpit siya dahil nag-iisa akong babae pero napakamapagmahal niya,” sabi ni Prescy. “Death anniversary niya sa May 6. Naaala ko tuloy siya. Yung mga pasalubong niya pag galling siya sa palengke, yung pinupuntahan niya ako sa Maynila pag matindi ang balita sa coup d’etat. Sabi niya, kahit talo ka na pweded ka pa ring manalo kung lalaban ka ng husto. Marami siyang itinuro sa akin na hindi mo matututuhan sa libro. Binigyan niya ako ng magandang halimbawa kung paano mamuhay ng simple at magkaroon ng wise choices, kahit pa sa mga sitwasyong gulong gulo ka na.”
“Kung ano ako ngayon, si Mommy ang dahilan,” ani Vic Vivo na naka-base ngayon sa Chicago, USA. “My mother believes in me and gives me confidence to do what I want to do. Pinangangaralan niya ako pero hindi niya ipinipilit ang gusto niya.”
Ina ang humuhubog ng mundo mula sa duyan, sa awit ng oyayi, sa pag-aalaga at pagpapalaki. Ina ang binibigyang parangal kapag may narating ang anak, ngunit siya ring kinukutya kapag nalihis ng landas. Lahat tayo, may ina.
Karamihan sa atin, minahal at pinalaki ng ating mga ina. Pero meron ding hindi nakaranas mahalin ng isang ina.
Napakaswerte natin hindi ba? (May karugtong pa)