Nenet L. Villafania
WALANG duda, ina ang pinakamahalagang tao sa ating buhay, at siya na ring pinakamakapangyarihang taong nakaaapekto sa ating pagkatao. Bilang bata, para sa atin, siya ang pinakamaganda, pinakamabait at pinakamapagkakatiwalaang tao sa buong mundo. Bakit nga hindi? Sa kanya tayo nanggaling. Dinala niya tayo ng siyam na buwan sa kanyang sinapupunan. Sumuso tayo sa kanyang dibdib. At hindi lamang ‘yan, siniguro niyang magiging maganda ang ating kinabukasan sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng tamang edukasyon at tamang upbringing, upang hind imaging salot ng lipunan.
Syempre, most of the time, I am talking about my own nanay na napakaistrikto at madalas na pinarurusahan ako dahil matigas nga ang ulo ko. Sa umaga, siya ang aking alarm clock dahil tamad akong gumising ng maaga.
Eksaktong alas sais ng umaga, rerepeke na sya: “Hoy, mga tamad, bumangon na kayo at mahuhuli kayo sa klase!” O, di ba? Walang palya yan araw-araw. Paggising, diretso sa batalan para maligo. May mainit na tubig na, at pagkapaligo, tuloy sa mesang may nakahandang sinangag o sinaing at ulam plus isang baso ng gatas, na sa ilalim ay may diyes sentimos na baon sa iskwela.
Dahil hindi mapapalitan ang ating ina sa ating buhay, araw-araw, sa kabila ng mga pagkukulang dahil wala namang perpektong tao, nakikita natin ang kanyang kahalagahan. Siya ang nagsilang sa atin at nagbigay sa atin ng buhay kaya dapat lamang na magpasalamat tayo sa kanya forever.
Nilo Decilos & son Roland Allan
Dalawang taon pa lamang si Leonilo Decilos nang iwan siya ng kanyang inang si Cesaria Ularte Decilos. Sa totoo lang, halos hindi na niya matandaan kung ano ang hitsura nito, at ni hindi niya alam kung paano ito tatawagin. Basta Nanay. Nanay na lang. Kahit naman patay na ito, iisa lang talaga ang nanay niya. Pero hindi siya nag-iisa. Salamat at may mga tiyahin at tiyuhin siyang umaruga at nagpalaki sa kanya.
Noong una ay nakaranas siya ng pagkaawa sa sarili. Buti pa yung iba, may nanay. Minsan, nakakaranas siya ng depresyon. Pero ano ang magagawa niya? Patay na ang kanyang ina at kahit ano pa ang mangyari ay hindi na ito babalik pa.
Kadalasan, ang mga batang lumalaking walang ina ay mababa ang cognitive test score at academic test score, pero iba si Nilo. Kailangan niyang patunayan sa mga nag-aalaga sa kanyang karapat-dapat siyang mahalin at alagaan. Besides, pinalaki siyang matapang ng kanyang mga tiyahin at tiyuhin.
Naka-survive siya sa isyu ng mental health at pagiging vulnerable sa exploitation at criminal behavior, hindi tulad ng iba na naligaw ng landas. Nakalulungkot, na ang karamihan sa mga naiwan ng ina ay nagkakaroon ng trauma. Sabi nga nila, mawalan ka na ng ama, huwag lamang ng ina. Ang mga batang walang ina ay nakaka-develop ng kakaibang ugali tulad ng pagpoprotesta, desperasyon, at pagiging malayo sa ibang tao. Lahat yan ay nalampasan ni Nilo, salamat sa tulong ng kanyang mga tiyahin.
Hindi man sapat dahil iba ang pagmamahal ng tiyahin sa ina, hindi rin naman siya nakaraan ng abnormaldad sa buhay. Sa isang banda, natutuhan niyang maging mapagmahal at maunawain. Dahil ditto, natuto rin siyang mamahagi ng pag-ibig.
Maria Teresita Bacit & Nanay Blanding
Kaya ng isang inang patawarin ang kahit anong pagkakamali ng anak gaano man ito kalaki. Ito ang napatunayan ni Maria Teresita Bacit Tapia o Tess sa mga kaibigan. Ang kanyang ina ang pinakamahalagang babae sa kanyang buhay.
“Kaya niyang isakripisyo ang kanyang sariling kaligayahan para sa kanyang mga anak,” ani Tess. “Inalagaan niya kami kahit nag-iisa siya dahil laging nasa abroad ang tatay namin.”
“Nagpapasalamat talaga ako sa nanay naming,” dagdag pa niya, “dahil tinulungan niya ako at ang aking mga kapatid sa buong panahong nabubuhay siya sa mundong ito, lalo na ako bilang bunsong anak. Ginawa niya ang lahat niyang makakaya. Lagi siyang andyan pag kailangan ko siya, kahit ano pa ang maging kapalit. Tatay naming ang nagtatrabaho, pero kung hindi siya mabuting ina, hindi kami magkakaroon ng maayos na bahay, masaganang pagkain at magagandang damit. Lahat din kami, pinilit niyang makatapos sa pag-aaral.”
“All that I am, or hope to be, utang ko ‘yon sa nanay ko na nagsilbing anghel sa aming buhay,” dagdag pa ni Tess. “At kahit ngayong wala na siya, naaalala ko pa rin na noong araw, kapag may problema ako, tititig lamang ako sa kanyang mga mata, at mararamdaman ko na ang pinakadalisay na pagmamahal na matatagpuan mo sa mundo – ang pagmamahal ng isang ina.”
Niceta Peramo Sherger with son Joseph & hubby Kevin
Ayon kay Niceta Peramo Sherger na naka-base ngayon sa Vancouver, Canada, mahal niya ang kanyang ina hindi dahil ina niya ito at kailangang respetuhin, kundi dahil talagang mahal niya ito in every sense of the word.
Ani Nicett, “Nirerespeto ko siya dahil inalagaan niya ako sa napakahabang panahon at hinubog na maging isang matatag na babae. Magsasaka lamang ang Tatay ko pero gumawa siya ng paraan para mapag-aral ako sa Maynila kahit pa nilalait siya ng mga kamag-anak at sinasabing mag-aasawa lamang ako bago makapagtapos ng pag-aaral kaya dapat ay hindi na pagkagastusan sa pagpapaaral sa kolehiyo.”
“Hindi siya ang klase ng inang nakikipaglaro o nakakasamang mamasyal,” dagdag pa niya, “pero timuruan niya kami ng ga gawaing bahay para raw kaya naming pagsilbihan an gaming magiging asawa.”
Masasabi raw ni Nicett na espesyal talaga ang nanay niya. On second thought, naisip rin niyang lahat naman ng nanay ay espesyal. Kasi naman, siya ang pinakamahalagang regalo ng Diyos sa bawat nilalang. Kung walang permiso ni ina, hindi natin masisilayan ang liwanag ng mundo.
Sinong ina ba ang hindi inuuna ang anak? Ang ina, matiyagang nagbabantay habang nakangiti sa natutulog na sanggol kahit pa napuyat noong nagdaang gabi. Makikita mo siyang umiiyak kapag hindi niya malaman kung ano ang gagawin kapag may sakit ang kanyang anak. Isa siyang Supermom dahil lagi siyang andyan kapag kailangan mo siya kahit hindi mo hinihingi ang kanyang tulong. Kahit bungangera siya, siya ang nagbibigay-inspirasyon sa’yo sa lahat mong endeavors sa buhay. Isipin mo na lamang kung paano ka niya sinuportahan in every step of the way.
Gagawin niya ang lahat para suportahan tayo at bigyan ng lakas ng loob sa mga bagay na natatakot kang subukan.
Gagawin nya ang imposible. Noong panahong hindi pa uso ang working mothers, working mom na ang nanay ko – at nanay ko na ang pinag-uusapan natin ngayon. Pinangatawanan niyang magtrabaho kahit nagalit ang tatay ko dahil para raw ito sa kanyang mga anak. Sabi ng nanay ko, ayaw niyang matulad sa kanya ang kanyang mga anak na pinahinto sa pag-aaral dahil babae.
Matalino ang nanay ko. Muntik na siyang makatapos ng Grade six kung hindi siya pinahinto ng lolo ko, pero halos apat na taon lamang siyang nakatuntong sa pormal na paaralan. Isang taon lamang niyang tinapos ang Grade 1 at Grade 2 dahil accelerated siya. Natapos niya ang Grade 3 kahit mas narami pa ang absent niya kesa ipinasok sa paaralan. Accelarated uli siya sa Grade 4 at Grade 5, at nasa kalagitnaan siya ng Grade 6 ng pahintuin sa pag-aaralan na ang dahilan ay dahil matalino ito at sapat na ang kanyang nalalaman para sa isang babae.
Apat kaming magkakapatid na babae at isang lalaki at walang diskriminasyong naganap sa pag-aaral. Hindi rin siya demanding sa grades. Ang mahalaga sa kanya ay makapasa lang.
Ang Ina ay isang taong kayang gampanan ang papel ng kahit sino, ngunit kapag siya ang nawala, walang maaaring pumalit sa kanya. Happy mother’s day po.