AWIT SA INANG BAYAN

MASAlamin

SISIKAT din ang araw bayan ko, malilipol din ang mga masasamang sumuso sa kinabukasan ng mga kabataan, mga kampon ng kadilimang hinubaran at kinalbo ang mga bundok at kagubatan, lalabas din ang wika ng paglaya mula sa korupsiyong bumabalot sa kaluluwa ng bansa.

Bubukas na rin ang hawla ng pagkakakulong sa sumpa ng trapiko, lalandas din ang mga eroplanong magbabalik sa mga mahal sa buhay mula sa pagpapaalipin sa ibayong dagat.

Bubukadkad na muli ang bango ng kaluluwa ng tunay na pagka-Fi­lipino, matutuwang lalanghapin ng langit ang bango ng kanyang kababaang-loob at buti.

Makapaglalaro na ang mga bata sa kanilang tahanan at palaruan, walang bagabag na dadapo sa damdamin, mahihintakutan na ang mga  mapanghusga.

Sa ikatlong milenyo ipinangako ang pagsikat na muli ng araw, aking inang bayan, ikaw na nga ikaw ang bansang titingalain ng lahat, ang perlas ng silanganan.

Mahihiya ang mga kampon ni satanas sa buti mo, ina, mapapahiya ang mga mandarambong na nagsipagtago ng mga nakaw na yaman sa Hong Kong at Switzerland.

Itutuwid ng araw ang iyong kasaysayan, kung saan nagkulang si Dr. Jose Rizal at ang kanyang mga kabarong mga bayani, itong panahon na ito pagpupunuan, ilalantad ang mga mapang-api, ang mga nagsasamantala ay mabubulgar, ang mga naglinis-linisan ay lalagyan ng ibayong pighati.

Ang mga mapagmataas ay igugupo ng bigat ng kanilang pagkakasala, ang mga naglunoy-lunoy sa kasaganaan habang ang 99 milyong Filipino ay nangangagutom at nagdidildil ng asin, sila ay ibabaon sa kasaysayan ng walang kabuluhang pagkapalalo.

Ang mga dagat na nilason ng pagkagahaman, ang mga lupaing pinagpigaan ng dugo ng mga inosente at ang hanging binugahan ng nakamamatay na kasinungalingan ay nag-aalburuto, dumadagundong ang piglas ng mga pusong namimighati, nag­hahanap ng katarungan.

Makasusumpong na ang bayan ng kapahi­ngahan, ang mga nanloko ay ihaharap sa husgado ng buhay, ang talim ng karma ay lalo pang pinatalim, babagsakan ng hustisya ang mga dapat bagsakan.

Inang bayan, malapit na, hayaang akin kang ipag­harana, sa mun­ting awit na pitak na ito, pagmamahal ng anak sa kanyang ina.

Comments are closed.