AWOL NA PULIS BINARIL HABANG NAGSA-SHOPPING

binaril

LAGUNA – Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang 40 anyos na dating pulis matapos pagbabarilin ng nag-iisang salarin sa loob mismo ng Lumban Public Market, Brgy. Lewin, lugar na ito kamakalawa ng umaga.

Ayon sa ulat ni Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta kay PRO4A Calabarzon PNP Director PBGen. Vicente Danao Jr. nakilala ang biktimang si Sherwin Abadier y Esguerra, meat vendor, may asawa, residente ng Brgy. Maytalang I, ng bayang ito.

Sinasabing nagtamo ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima mula sa kalibre .45 baril na ginamit ng hindi pa naki-kilalang suspek habang nakasuot ng itim na jacket, bonnet at itim na sombrero.

Sa talaan, lumilitaw na matagal na umanong Absent Without Leave (AWOL PNP Member) Dismissed from the Police Service si Abadier matapos masangkot sa paglabag sa ipinagbabawal na droga (RA-9165) RTC Sta Cruz Laguna.

Bukod dito, ang kinakaharap pang kasong serious grave misconduct kung saan itinuturo pa umanong miyembro ito ng Manambit Drug Group na kabilang sa PRRD list.

Sa imbestigasyon, dakong alas-5:50 ng umaga ng tambangan ng suspek ang biktima habang aktong nakaupo ito sa harapan mismo ng kanyang Meat Stall bago malapitang pinagbabaril.

Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril lulan sa hindi pa mabatid na sasakyan patungo ng kaba­yanan kung saan patuloy na inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen. DICK GARAY