AWTONOMIYA NG NSA DAPAT IGALANG NG POC

pick n roll

SINO ang dapat masunod sa pagpili ng atleta na ipadadala sa international competition, ang Philippine Olympic Committee (POC) o ang National Sports Association (NSA)? Ngunit bago ang pagtatalo sa isyu, ilalahad natin ang function ng bawat isa.

Ang POC o ang National Olympic Committee ay nasa pangangasiwa ng International Olympic Committee (IOC) – bawat bansa na miyembro nito ay may kanya-kanyang NOC at sa Pilipinas ay ito na ngang POC. Kung may pagkukulang at pagkakasala ang NOC, sa IOC sila mananagot.

Miyembro rin ng IOC ang lahat ng International Federations. May kapangyarihan ang IOC na suspendihin ang IF na wala sa ayos. Bawat NSA ay may kanya-kanyang IF at sa sport na athletics sa bansa, ito nga ang Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa). Ang NSA ang nangangasiwa sa saklaw na sport, gayundin sa pagsasanay ng atleta at pagpapaunlad nito. Kailangan ng NSA ang IF recognition bago tanggaping miyembro ng POC. May awtonomiya ang NSA at saklaw sila ng kapangyarihan ng IF. Batay sa by-laws and constitution ng POC, may kapangyarihan din silang suhituhin ang NSA na may pagkukulang, ngunit sa huli ang IF recognition pa rin ang sandalan ng NSA. Kung walang IF recognition, tapos na ang isang NSA.

Ngayon, ito ang senaryo na siyang ugat ng katanungan. Batay sa mga nakalap na impormasyon at dokumento ng Patafa, dinoktor ni Olympian pole vaulter EJ Obiena ang liquidation paper na kanyang isinumite. Ang naturang dokumento ang siya ring isinusumite sa Philippine Sports Commission (PSC) na pinagmulan ng pondo para sa training ni Obiena sa Italy at pambayad sa kanyang foreign coach. Tumataginting na P3 milyon ang sangkot sa usapin.

Hindi nagustuhan ni Obiena ang naging pahayag ng Patafa at nagmarkulyo ang 26-anyos sa social media para itanggi ang akusasyon. Madali sanang naresolba ang isyu kung nagkaroon agad ng masinsinang pag-uusap, ngunit tila huli na ang lahat. Umiral na ang pride, character at politika sa usapin.

Kagyat nga na idineklara ng POC Executive Board na pinamumunuan ni Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino na ‘persona non grata’ sa Olympic body si Patafa president Philip Ella ‘Popoy’ Juico dahil sa paglabag umano sa ethics dahil sa ginawang akusasyon sa atleta at rekomendasyon na alisin sa National Team si Obiena.

Hindi nagpatinag ang PSC at nag-alok ng ‘mediation’ para masagip pa ang sitwasyon. Pumayag ang Patafa, ngunit, nagbago ang isip ni Obiena at sa pamamagitan ng kanyang legal adviser ay hindi na sumipot sa mediation at haharapin na lamang umano sa korte ang desisyon ng Patafa.

Ano ba ‘yan, oks na nga eh! Bakit umayaw sa mediation?

Desisyon iyan ni Obiena, ngunit ang kapalit nito ay ang tuluyan niyang pagkakasibak sa National Team.

To the rescue si Bambol. Kahit walang basbas ng Patafa, isasama ng POC si Obiena para isabak sa Southeast Asian Games sa Hanoi sa Mayo. Gastos ng POC ang lahat dahil si Obiena raw na potensiyal na gold winner ay kabilang sa 80 atleta na aprubado ng POC sa ‘Have Money, Will Travel’ scheme para sa biennial meet. Ibig sabihin, kung magwagi ang atleta ng gintong medalya, ibabalik ng PSC ang ginastos ng POC o kung personal na pera ng atleta.

Heto ngayon ang malaking tanong. Tanggapin kaya ng SEA Games Federation na palaruin si Obiena? Para kay Bambol, aba’y puwede dahil irerekomenda ng POC. Naku po! Tila baga nakaligtaan  ni Mr. Tolentino ang kasaysayan sa 2009 Laos SEAG na kanya ring kinasangkutan.

Hindi ba’t ang Philcycling na pinamumunuan noon ni Tolentino ang recognized ng IF sa cycling na UCI kung kaya  kahit nagkasundo ang SEAG Federation bunsod ng pakiusap ng noo’y athletics president na si Go Teng Kok, ay hindi pinaglaro ang 12 siklista dahil ayaw ni Tolentino na bigyan ang mga ito ng ‘temporary’ license. Ang naturang 12 siklista ay mula sa grupo ng noo’y businessman na si Mikee Romero na kaagaw ni Tolentino sa cycling presidency. Si Romero ang kinilala ng noo’y POC chief na si Jose ‘Peping’ Cojuangco. Ngunit, hindi umubra ang ‘powers’ ni Ka Peping dahil ang UCI ay sanggang dikit ni Tolentino.

Naging bahagi ng International Amateur Athletics Federation (IAAF) Board si Mr. Juico. At ang Olympic pole vault legend na si Sergey Bubka — ang sinasabing ‘whistle blower’ sa pagkukulang ni Obiena — ang kasalukuyang IAAF Senior Vice President at miyembro ng IOC. Malinaw pa sa tubig ng Pasig River ang sitwasyon, sakaling makarating sa IAAF ang sitwasyon.

Hanggang saan aabot ang powers ni Bambol? Kaya goodluck kina Mr. Tolentino at Obiena. Subali  kung mapapahiya rin lang, hayaan na lamang ng POC na maresolba ang isyu ni Obiena sa Patafa. Kung may tunay na pagkukulang ang asosasyon, may karapatan si Obiena, sa tulong ng POC, na magreklamo sa IAAF o sa IOC Athletes Commission. ‘Yun ang tama.

Dagok sa NSAs ang pagkiling ni Tolentino. Mababalewala ang disiplina at respeto na dapat ibinibigay ng atleta sa kanilang mga opisyal. Kung mali, dapat itama. Kung tama ang atleta, ipaglaban. Kung bawat kaganapan ay makikialam ang POC sa gawain ng NSAs, balewala na ang awtonomiya. Patay na ang demokrasya.



(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa zea19ker@yahoo.com)