IPINAG-UTOS ng Quezon City government ang pagpapasara sa isang fitness club and cafe dahil sa pagtangging makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa kaso ng mpox na natuklasan noong nakaraang linggo.
Sa isang news release nitong Lunes, inanunsiyo ng city government na nagpalabas ito ng cease and desist order at notice of violation laban sa Fahrenheit Cafe and Fitness Center (F Club) makaraang tanggihan nito ang contact tracing team na nag-iimbestiga sa establisimiyento.
“Itinuturing nating banta sa kalusugan at kapakanan ng mga QCitizen ang ganitong pagtanggi sa isinasagawa nating contact tracing efforts. Maagap ‘yung ginagawa nating pagtugon at imbestigasyon, pero napapatagal at nade-delay dahil ayaw makipag-cooperate,” wika ni Mayor Joy Belmonte.
Noong Sabado ay nagtungo ang City Epidemiology and Surveillance Division ng City Health Department sa F Club upang ipatupad ang contact tracing measures, alinsunod sa direktiba ng Department of Health (DOH).
Sinabi ng city government na tumanggi ang club na makipagtulungan ngunit hindi nag-elaborate.
Nanawagan din si Belmonte sa mga business owner na makipagtulungan sa city government, lalo na pagdating sa public health concerns.
“Nananawagan ako sa mga residente at business owners na makiisa at makipag-cooperate sa mga health event investigation ng lungsod. Ginagawa lang namin ang aming responsibilidad para matiyak na protektado at ligtas ang lahat ng QCitizens,” aniya.
Nitong Lunes ay inanunsiyo ng DOH ang pagkakatuklas sa dalawa pang kaso ng mpox sa Metro Manila, upang umakyat sa 12 ang kabuuang kaso sa bansa.
Ayon sa DOH, ang ika-11 kaso ay isang 37-year-old male habang ang ika-12 ay isang 32-year-old male.
Ang dalawang pasyente ay umamin na nagkaroon ng close, intimate at skin-to-skin contacts bago ang simula ng mga sintomas.
Ang ika-11 kaso ay naka-confine sa ospital, habang ang ika-12 ay nasa home isolation. ULAT MULA
SA PNA