LAGUNA – SUGATANG isinugod sa Pagamutang Panlalawigan ng Laguna ang 23-anyos na babaeng graduating student matapos pagbabarilin umano ng mga tanod habang lulan ng motorsiklo kasama ang kanyang boyfriend sa National Highway, Sitio Biuyan, Brgy. Sto. Angel, Lungsod ng San Pablo kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni San Pablo City Chief of Police, PLt. Col. Eliseo Bernales ang biktimang si Jobie Glorioso, residente ng Tiaong.
Sinasabing nagtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan ang biktima kung saan nasa mabuti na umanong kalagayan sa nabanggit na pagamutan.
Sa imbestigasyon, bandang alas-12:00 ng madaling araw nang maganap ang naturang insidente habang papauwi na umano ng kanilang tirahan ang biktima kasama ang kanyang boyfriend na siyang nagmamameho ng sinasakyan nilang motorsiklo nang harangin ang mga ito ng nakatalagang tanod sa lugar.
Sinasabing doon mismo sa nakalatag na checkpoint, nagtangkang lumampas ang mga ito kasunod ang isinagawa umanong pamamaril ng nakatalagang tanod.
Samantala, sa pahayag ni Bernales, patuloy pa silang nagsasagawa ng follow-up operation sa kaso upang alamin at kilalanin kung tunay bang mga tanod ang namaril sa mga biktima. DICK GARAY
Comments are closed.