(Ayaw sa martial law?) BE HOME-LINERS-PADILLA

Restituto Padilla Jr.

SA hindi mabilang na pagkakataon, muling nagpaalala ang awtoridad na manatili sa tahanan at mag-ingat laban sa coronavirus disease (COVID-19) kung ayaw makatikim ng mala-Martial Law na pagpapairal ng enhanced community quarantine (ECQ).

Sa isang panayam kay Ret. Gen. Restituto Padilla Jr. ang tagapagsalita ng National Task Force COVID-19, nilinaw nito na hindi pa naman magmamando ang militar sa kalsada o  martial law-like na ECQ.

Subalit kung hindi aniya maabot ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabawasan ang bilang ng kaso ng sakit at mapigilan ang mga namamatay, wala anila silang magagawa kundi tumalima na mala-batas na militar sa pangangasiwa sa mga kalsada.

Kabilang aniya sa ikinadismaya ng Pangulo ang paglabag sa social distancing, paggagala kahit hindi kailangan at hindi pagsusuot ng face mask.

Sinabi pa ni Padilla na iba na ang panahon ngayon at hindi na ang mga health worker ang frontliner kundi ang publiko na mismo.

“Nagbago na po ang linya ng laban, hindi na po mga doktor ang mga health worker ang frontliner, pag tayo ay nakarating sa ospital at napunta sa pag-aaruga ng ating mga health worker, ‘yan po ay parang nakahakbang na sa isang linya ng kamatayan,” babala pa ni Padilla.

Payo pa ni Padilla, para makaiwas sa sakit, dapat ay lumayo tayo sa tao dahil hindi aniya alam kung sino ang COVID-19 carrier.

“Lumayo tayo sa COVID-19, dahil tayo mismo ang frontliner ng sarili nating buhay,” dagdag pa ni Padilla.

Iginiit pa ng dating AFP spokesman na walang ligtas na lugar kundi ang loob ng bahay. EUNICE C.

Comments are closed.