(Ayon CJ Gesmundo) KALAYAANG MINANA, PANGALAGAAN AT PAGYAMANIN

BULACAN- “BILANG mga Pilipino, may tungkulin tayo na pangalagaan at pagyamanin ang kalayaang minana natin.

Lahat tayo ay tinatawag na pagsikapan na isakatuparan ang mga pangarap ng bumubuhay sa pagnanais nating lumaya.”

Ito ang naging mensahe ni Punong Mahistrado ng Korte Suprema Alexander G. Gesmundo sa ginanap na ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan.

Aniya, may karugtong na responsibilidad na dapat pasanin kasama ng mga karapatan at kalayaang tinatamasa nila.

Dagdag pa nito, bantayan hindi lamang ang kalayaan at kapakanan kundi pati ng kapwa at bawat isa at hindi lang para sa kapwang nabubuhay ngayon kundi para sa mga susunod na henerasyon.

Kaugnay nito, aminado si Gob. Daniel R. Fernando na tungkulin ng mga tao na gamitin ang biyaya ng kalayaan upang tulungan ang ibang tao at bigyan sila ng kakayahan na kontrolin ang isang bagong rebolusyon sa kanilang buhay, hanapbuhay, at hinaharap.

Kabilang sa mga dumalo sina Bise Gob. Alexis C. Castro, ilang mga kinatawan ng Kongreso, mga bokal, at ilang mga punong bayan at lungsod at mga pangalawang punong bayan at lungsod sa lalawigan.

Ang ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay naka-angkla sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.

Kasunod nito, ang sabayang jobsfare ng DOLE at ang pagbibigay ng pangkabuhayan showcase na ginanap sa Capitol Gymnasium na dinaluhan ng higit isang daang employer na dinumog naman ng job seekers.
THONY ARCENAL