(Ayon sa 1987 Konstitusyon) BAGONG GABAY SA PAGGAMIT NG WIKA

wika

KAMAKAILAN ay na­ging mainit ang talakayan sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) makaraan ang mu­ling pagbabago sa mga wastong paggamit ng salita sa pagsusulat.

Ito ay kasunod ng pagbabalik ng KWF sa “Pilipinas” at “Pilipino” na wastong gagamitin mula sa ipinatupad noong taong 2013 na “Filipinas” at “Filipino”.

Sinabi ni KWF Tagapangulo Dr. Arthur P. Casanova, PhD, batay sa Kapasiyahan ng Kalupunan ng KWF Bilang 21-18 na wasto ang paggamit ng Pilipino sa pagtukoy ng tao at kultura, at ang paggamit mg Pilipinas at hindi Filipinas sa pagtukoy ng bansa.

Noong Hulyo 28, 2021 ay nagkaroon ng birtuwal na pulong at pag­lilinaw sa miyembro ng mga mamamahayag (media) ang KWF sa pangu­nguna ni Casanova upang higit na maunawaan kung bakit ibinalik sa Pilipinas at Pilipino ang baybay ng dalawang salita.

Iginiit ni Casanova na sinunod lamang nila ang isinasaad ng Saligang Batas noong 1987 habang ang paggamit ng Filipinas at Filipino na napagpasiyahan noong 2013 ay batay naman sa 1957 Constitution.

Subalit, sa masinsinang pag-aaral ay napagpasiyahan ng lupon ng komisyon na sundin ang pi­nakahuling Konstitus­yon.

Binigyan diin din ang mga kasalukuyan nang ginagamit ng media at kasama sa halimbawa ang mismong pangalan ng pahayagang ito na Pilipino Mirror na anila’y tama.

Kaya pagdiriin ni Casanova, wasto rin ang mga salitang “Mamamayang Pilipino”, “Sambayang Pilipino at “Kulturang Pilipino”.

Upang hindi malito, ang pangalan ng bansa, Pilipinas (Philippines sa Ingles); pambansang lengguwahe o salita, Filipino (Tagalog at Ingles); mamamayan, Pilipino (Filipino sa Ingles); kultura, Pilipino (Filipino sa Ingles) at nasyon (bayan), Pilipino (Filipino sa Ing­les).

Samantala, bukod sa nasabing paglilinaw, tina­lakay din sa birtuwal na pulong sa midya ng KWF ang mga magiging aktibidad ngayong Agosto na Buwan ng Wikang Pambansa 2021 kung saan ang kalendaryo ng mga gawain ng KWF at mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa pagdiriwang.

Magkakaroon din ng mga programang pangwika ng iba’t ibang sangay ng ahensiya habang tutukuyin din ang mga salitang ras­yonal o nanganganib na hindi na magamit.

Inanyayahan din ni Casanova ang lahat na makilahok at ibahagi ang kanilang ideya kaugnay sa mga pagbabago sa wika dahil sa tawag ng panahon. EUNICE CELARIO

3 thoughts on “(Ayon sa 1987 Konstitusyon) BAGONG GABAY SA PAGGAMIT NG WIKA”

Comments are closed.