WALANG kumpirmadong laboratory results ng bird flu sa Tarlac at walang report ng outbreak sa lalawigan na natanggap sa kasalukuyan taliwas sa ilang report, ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI).
Sa isang statement, sinabi ng BAI na batid nito ang kamakailang reports ng umano’y bird flu outbreak sa Tarlac, subalit walang inire-report ang local authorities ng anumang outbreak, at ang huling opisyal na kumpirmadong kaso sa lalawigan ay naitala noong December 2023.
“The BAI Animal Diagnosis and Reference Laboratory is the sole authority to officially detect and confirm positive cases of bird flu through standardized testing protocols,” nakasaad sa statement.
“The BAI takes the health and safety of our poultry industry very seriously. We urge the public and media to rely on verified information and official statements from the BAI,” dagdag pa nito.
Ayon sa ahensiya, sakaling magkaroon ng anumang kumpirmadong kaso ng bird flu, agad nitong aabisuhan ang publiko at magsasagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapigilan at matugunan ang sitwasyon.