(Ayon sa BSP) RUSSIA-UKRAINE CRISIS MALIIT ANG EPEKTO SA REMITTANCES

BSP

NAPAKALIIT lamang ng epekto ng gulo sa pagitan ng Russia at mg Ukraine sa remittances ng overseas Filipinos, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na noong nakalipas na taon ay umabot sa $121,000 o katumbas ng mahigit P6.3 milyon ang remittances ng mga Pilipinong manggagawa sa Ukraine habang $2.3 milyon naman o katumbas ng mahigit P120 milyon ang remittances mula sa Russia.

Ang pinagsamang halaga ay katumbas lamang, aniya, ng 0.1 percent ng kabuuang remittances ng mga OFW noong 2021.

Ani Diokno,  nananatiling matatag ang remittance sa kabila ng mga krisis.

Ipinunto naman ni Diokno na tumaas ng 5.1 percent ang remittances ng mga OFW noong 2021 na ikalawang taon ng COVID-19 pandemic.

Katunayan ay umabot, aniya, sa bagong record high na $34.1 billion o mahigit P1.6 trillion ang remittances ng mga OFW noong 2021. BETH C