MAKATATAKBO sa darating na halalan si dating Makati Mayor Junjun Binay dahil ang kasong nakasampa laban sa kanya ay hindi pa pinal at kasalukuyang inaapela.
Ito ang depenitibong pahayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez kahapon kasabay ng paliwanag na bagama’t pinagbabawalan ang isang indibidwal na kumandidato ng isang final conviction, kapag nakaapela ang nasabing kaso o hindi pa pinal ang desisyon, nangangahulugan lamang na hindi ito kasama sa mga batayan para sa kanyang diskuwalipikasyon.”
Tugon ito ni Jimenez sa katanungan tungkol sa “eligibility” ni Binay, na ang pangalan ay isinama ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa kanilang listahan ng mga personalidad na sinasabing pagbabawalang kumandidato.
Ang pangalan ni Binay ay isinama sa nasabing listahan dahil sa pagkakaugnay nito sa konstruksiyon ng 1.3 bilyong pisong Makati Science High School building.
Kinumpirma naman ng abogado ni Binay na si Atty. JM Mendoza na ang kasong nabanggit ay kasalukuyang nakaapela at hindi maaaring gamitin bilang dahilan upang pagbawalan ang dating alkalde ng Makati na bumalik sa puwesto.
“Ang desisyon ng Office of the Ombudsman kaugnay sa pagpapatayo ng Makati Science High School building ay nakaapela sa hukuman at hindi pa ‘final and executory,’” ayon kay Mendoza.
Ayon sa abogado, “tanging ang final and executory judgment na may kaukulang penalty na disqualification from holding public office ang maaaring magdiskuwalipika sa isang tao na kumandidato para sa isang pampublikong katungkulan sa ilalim ng Section 40 (b) ng Local Government Code.”
“Si Mayor Junjun Binay ay hindi disqualified sa pagtakbo sa kahit na anong pampublikong posisyon, lalo’t higit mula sa pag-file ng kanyang certificate of candidacy para sa halalan sa Mayo 2019. Hindi niya pinagdurusahan ang kahit na anong disqualification mula sa pagtakbo para sa kahit na anong elective local position sa ilalim ng Section 40 ng Local Government Code,” dagdag pa ng abogado ni Binay.
Ayon kay Mendoza, anumang ulat na nagsasabi na si Binay ay hindi maaaring kumandidato “ay isang kabulaanan at hindi makatotohanan.”