NAGSIMULA nang tumatag ang presyo ng bigas, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ng DA na hanggang noong Martes, Setyembre 19, ang bigas ay ibinebenta sa Metro Manila sa halagang P40 hanggang P62 kada kilo.
“Dahil nga ang ating mga presyo ay nagiging stable na, once we find, the [Department of Agriculture] and the [Department of Trade and Industry], find it na ito ay stable na, we can already recommend to the President kung ano ang future na puwedeng gawin,” sabi ni Bureau of Plant and Industry (BPI) Director Glenn Panganiban.
Naniniwala rin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maaari pang bumaba ang presyo ng bigas ng hanggang P20 kada kilo tulad ng ipinangako niya noong 2022 presidential campaign.
“May chance lagi ‘yan,” pahayag ng Pangulo noong Martes nang makapanayam ng mga reporter sa Zamboanga City.
Sinabi ng DA na base sa kanilang monitoring, 90 percent ng rice retailers sa Metro Manila ay sumusunod sa itinakdang price cap na P41 kada kilo para sa regular milled rice at P45 kada kilo para sa well-milled rice.
Umaasa si Panganiban na aalisin na rin ng Pangulo ang price ceilings sa mga susunod na araw lalo’t nagiging stable na ang presyo ng bigas.