HINDI maaaring atasan ang pribadong sektor na i-hire ang K-12 graduates, ayon kay dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.
Sinabi ni Concepcion na nasa kapasyahan na ng mga employer ang pag-hire ng mga empleyado.
Ani Concepcion, kung kuwalipikado naman ang K-12 graduates para sa mga posisyong kanilang inaaplayan ay walang dahilan para hindi sila i-hire.
Gayunman ay hindi, aniya, maaaring atasan ang pribadong sektor na i-hire ang K-12 kung hindi naman kuwalipikado ang mga ito.
“If they qualify for the job, I’m sure the private sector will hire them,” dagdag pa niya.
Nauna nang umapela si Education Secretary at Vice President Sara Duterte-Carpio sa business community na iprayoridad ang K-12 graduates sa pagkuha nila ng mga empleyado.
Pinuna niya ang umano’y “diploma mentality” sa bansa, kung saan mas gusto ng mga employer ang mga nagtapos ng four-year college degree kaysa K-12 graduates.
“The final decision rests with the private sector. We have to respect that because they’re the ones who are hiring,” ani Concepcion.