MAY kabuuang 81 overseas Filipinos ang nahaharap sa parusang kamatayan habang 135 ang pinawalang-sala noong 2022, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa kabila nito, tiniyak ng DFA na ginagawa nito ang lahat para masiguro na walang death penalty sentence na maisasakatuparan laban sa sinumang Pinoy.
Ayon sa DFA, napababa nito ang death penalty sa dalawang Pinoy sa Saudi Arabia noong 2022 dahil sa pagkakaroon ng illicit affair, sa siyam na taong pagkabilanggo.
Sinabi pa ng ahensiya na ang 135 acquittals na nakamit noong nakaraang taon ay mas mataas sa 98 na naitala noong 2021.
“For the first half of 2022, most countries in Asia and the Middle East were still practicing strict COVID-19 control protocols,” anang DFA.
“Therefore, courts generally remained closed, and there was thus a general slowdown in the resolution of cases…Few of the Asian and Middle East countries practiced trials via teleconferencing,” dagdag pa nito.
Sa datos ng DFA, 132 sa mga pinawalang-sala ay naitala sa Middle East region, 2 sa Asia, at 1 sa Africa.
“Most of the acquittals involved retaliatory cases filed against household service workers in the Middle East for theft, absconding, and breach of trust,” ayon sa DFA.
Ipinaliwanag din ng ahensiya na maraming kaso na isinampa laban sa mga Pilipino sa ibang bansa ay mga krimeng hindi itinuturing na kasalanan sa Pilipinas, tulad ng immorality cases gaya ng panganganak sa labas ng kasal.
“There is almost no chance for acquittals for these kinds of cases,” sabi ng DFA.
Dagdag pa ng DFA, matagumpay rin itong nakakuha ng 69 pardons sa convicted Filipinos mula sa host governments sa ibang bansa noong 2022. Karamihan sa pardoned cases ay drug trafficking, prostitution, at theft.