(Ayon sa DOH) OSPITAL SA CALABARZON INILAGAY SA WHITE CODE

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na inilagay na ang lahat ng ospital sa Region IV-A (Calabarzon) sa ilalim ng code white alert status dahil sa ng volcanic smog (vog) na dulot ng patuloy na aktibidad ng Taal Volcano.

Ang code white alert ay tumutukoy sa kahandaan ng mga ospital at pasilidad ng kalusugan na tumugon sa mga emergency situations.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, (PDRRMO), binalot ng vog ang mga bahagi ng rehiyon kabilang ang Cavite, at Batangas na nagdulot ng mga isyu sa kalusugan sa ilang residente tulad ng pangangati ng mata, paninikip o pananakit ng dibdib, at pangangati ng lalamunan.

Ang nasabing kaganapan ay nag-udyok din sa pagsuspinde ng mga klase sa mga paaralan.

Sa pahayag ng PDRRMO, hindi bababa sa 22 bayan at apat na lungsod sa Batangas ang apektado ng sulfur dioxide emission (SO2).

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) na hindi ito indikasyon na pumutok ang bulkan o puputok ito kundi normal phenomenon lang ang pagkalat ng vog sa isang abnormalidad ng nasabing bulkan.

Ang datos ng Phivolcs ay nagpakita na ang sulfur dioxide emission mula sa Taal ay nasa 4,500 tonelada, mas mababa sa 20,000 toneladang ibinubuga nito noong 2020.

Sa ngayon, mahigpit na pinapayuhan ang mga residente na apektado ng vog na magsuot ng facemask upang maiwasang makalanghap ng ash particles na maaaring magdulot ng sakit. EVELYN GARCIA