(Ayon sa DOJ) BILYONG PISO NALULUSAW SA OIL SMUGGLING

TINATAYANG bilyon-bilyong piso ang nawawala sa pamahalaan dahil sa mga sindikatong may kinalaman sa oil pilferage at oil smuggling, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

“Kanina kasama namin ang BIR pagkatapos n’yo kausapin si Commissioner (Romeo) Lumagui at humingi kami sa kanila ng estimate ng nawawalang revenue sa atin,” ayon kay Remulla.

“At sa aking tingin, puwedeng umabot ito ng daang bilyon na nawawala sa atin dahil sa mga sindikatong nananaig sa paihi ng fuel,” dagdag pa niya.

Una niyang na-flag ang smuggling o pilferage ng langis o “paihi” kasunod ng magkasunod na paglubog ng motor tankers sa mga katubigan ng Bataan noong nakaraang buwan.

Noong July 25, ang MKTR Terranova ay lumubog 3.6 nautical miles east ng Lamao Point sa Limay, Bataan, kung saan isang crew member ang iniulat na nasawi.

Samantala, ang MTKR Jason Bradley — isa pang barko na lumubog sa Mariveles, Bataan noong July 27 — ay may kargang 5,500 litro ng diesel, at natuklasan ding may tagas.

Ang ikatlong barko, ang MV Mirola 1, ay sumadsad naman sa Mariveles, at tumagas ang karga nitong langis.

Ayon kay Remulla, ang insidente ay nagbukas ng isa pang “pandora’s box” sa bansa na “tahimik na pinapayagan sa mahabang panahon.”

“Ito yung paihi na tinatawag. Dalawang klaseng paihi yan. ‘Yung isa, ‘yung sa suppliers ng oil, talagang humihigop talaga sila ng porsyento ng langis… Ito yung Batangas-based group na in-charge ng paihi. Pilferage of oil na matagal nang nananaig na sindikato,” aniya.

“‘Yung pangalawang paihi naman, itong sa tax ano, sa smuggling na tinatabihan sila ng ibang barko, mag lalabas sila ng fuel na hindi pa nababayaran at hindi pa na markahan ng Bureau of Customs,” dagdag pa niya.

Nauna nang pinabulaanan ng may-ari ng MTKR Terranova ang mga alegasyon na may kinalaman ito sa oil smuggling.